Default Thumbnail

Staff ni Duterte dedo sa road crash!

May 4, 2021 Melnie Ragasa-limena 635 views

NASAWI ang Staff Officer III ng Pangulong Rodrigo Duterte makaraang salpukin ang minamanehong motor ng isang van sa Brgy. Doña Imelda, Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Pelagio Regoyla Jr. Diosdado, 44, Presidential Staff Officer III at residente ng No. 531 F Legaspi St., Maybunga Pasig City.

Ang suspek na agad namang naaresto ay nakilalang si Benedict Faustino Bautista, 39, driver, at naninirahan sa Block 22, Lot 32, Beverly Homes Frensa II Marilao, Bulacan.

Sa inisyal na report ni PCpl. Wagner C. Acquisio ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, bandang alas-11:30 ng gabi (May 3) ng maganap ang aksidente sa intersection ng G. Araneta Avenue at Aurora Blvd., Brgy. Doña Imelda, sa lungsod.

Sakay umano ang biktima ng dilaw na Honda XRM (no plate available) nang biglang sumulpot ang minamanehong Rebuilt Isuzu Insulated Van na minamaneho ng suspek patungong west direction ng Aurora Blvd.

Sa isinagawang ocular inspection ng mga awtoridad ay nadiskubreng bawal ang left turn sa lugar na pinangyarihan ng aksidente pero kumaliwa pa rin umano ang nasabing suspek dahilan upang masalpok nito ang harapan ng motor na sinasakyan ng biktima kaya tumilapon ito at bumagsak sa semento.

Naisugod pa sa Philippine Orthopedic ang staff ni Pangulong Duterte subalit binawian din ito ng buhay bandang alas-11:55, ayon kay Dr. Pascual Martinez, sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo bagamat nakasuot ito ng helmet.

Tumakas pa umano ang suspek pero nakorner din ito ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) District Mobile Force Battalion (DMFB) sa itinayong checkpoint sa G. Araneta Ave., kanto ng N. Domingo St., San Juan City.

Nakapiit na ang suspek sa QCPD Traffic Sector 4 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.