Gatchalian

Simpleng tax payment good news — Sen. Win

April 19, 2024 PS Jun M. Sarmiento 48 views

SINABI ni Sen. Sherwin Gatchalian na isang makabuluhang hakbang tungo sa tuluy-tuloy na transaksyon sa pagbubuwis at mas maayos na koleksyon ang bagong labas na revenue regulations na magpapatupad sa Ease of Paying Taxes Act.

“Magandang balita ito para sa lahat ng taxpayers na nangangarap ng mas simple at madaling paraan ng pagbabayad ng buwis. Lubos akong naniniwala na sa ganap na pagpapatupad ng batas na ito, hindi lamang natin titiyakin ang mas madaling pagbabayad ng buwis kundi patitibayin din ang ating pangakong mas mahusay na pagkolekta ng kita ng gobyerno,” sabi ni Gatchalian, ang punong may-akda ng batas.

Saklaw ng revenue regulations ang mga bagong klasipikasyon ng taxpayers, pinadaling proseso ng paghahain ng tax returns at payments, at mas mababang rate para sa mga tinaguriang small and micro taxpayers.

Halimbawa, pinamamahalaan ng RR No. 4-2024 ang paghahain ng tax returns at tax payments na nagpapahintulot sa mga electronic at manual na transaksyon.

Tinatanggal din nito ang parusang sibil para sa mga tax return na isinumite sa maling lugar.

Saklaw din nito ang exemption ng mga overseas contract worker sa pagpa-file ng income tax return kung kumikita lamang sila sa ibang bansa at wala silang kita sa Pilipinas.

Nagpapataw ang RR No. 6-2024 ng pinababang rate ng interes at penalties para sa micro at small taxpayers o maliliit na taxpayers, habang ang RR No. 8-2024 ay nagtatalaga ng klasipikasyon ng taxpayers base sa kanilang gross sales.

Ilan lamang ito sa mga revenue regulations na inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagpapatupad ng batas na EOPT.