Default Thumbnail

Siklista, huli sa hindi lisensiyadong baril

March 18, 2023 Edd Reyes 213 views

NABUKING ang pagdadala ng baril ng isang siklista nang mahulog ang pouch bag na pinaglalagyan ng armas matapos niyang lagpasan ang mga nagpapatrolyang pulis, Sabado ng madaling araw sa Valenzuela City.

Inaresto ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station-4 ang 35-anyos na siklista, ng Barangay Santolan, Malabon City nang mabigong makapagpakita ng kaukulang dokumento na magpapatunay na legal ang pagdadala at pagkakaroon niya ng baril.

Sa ulat na isinumite ni Valenzuela Police Chief P/Col. Salvador Destura, Jr. kay Northern Police District (NPD) Director P/Brigadier Gen. Ponce Rogelio Penones, Jr., nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya ang pulisya sa Maple St. Bgy. Malinta nang mapansin nila ang mabilis na pagdaan ng nakabisikletang suspek na tila nagmamadali, dakong alas-2:15 ng madaling araw.

Nang magsagawa ng U-turn ang suspek sa naturan ding lansangan, aksidenteng nalaglag ang kanyang pouch bag pero bago pa niya ito madampot, naunahan na siya ng mga pulis at dito na nila napansin ang isang kalibre .9mm na baril na nasa loob ng bag.

Kaagad na kinompronta ng mga pulis ang suspek at nang mabigong maglabas ng mga dokumento, inaresto na siya ng mga pulis at sinabihan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine.

Sinabi ni Destura na bukod sa kalibre .9mm na may magazine na kargado ng tatlong bala, kinumpiska rin ng pulisya ang dala niyang grip panel at gamit na bisikleta bago dinala sa Station Investigation Unit (SIU) para sa paghahain ng kasong paglabag sa RA 10591 of ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE