Bong

Showbiz at politics, naghalo sa birthday at anniversary celebration ni Sen. Bong

September 26, 2023 Vinia Vivar 214 views

Star-studded at napaka-engrande ng selebrasyon ng 57th birthday at 50th showbiz anniversary ni Sen. Bong Revilla na ginanap sa grand ballroom ng Okada Manila nitong Tuesday, Sept. 25, mismong kaarawan ng aktor/politiko.

Hindi lang showbiz stars ang nagsama-sama nang gabing iyon kundi maging ang mga kapwa-politiko ni Sen. Bong.

Sa mga politiko, ilan sa namataan namin sina former Sen. Manny Pacquiao, Sen. Imee Marcos, Sen. Chiz Escudero, Sen. JV Ejercito, Sen. Mark Villar, Sen. Bong Go, Sen. Francis Tolentino, Sen. Grace Poe, Sen. Bato dela Rosa, atbp.

Naroroon din sina Sen. Lito Lapid at Sen. Robin Padilla, na may special number pa sa birthday/anniversary special show ni Sen. Bong.

Sa hanay naman ng showbiz personalities, halos lahat yata ng nakasama ni Sen. Bong sa mga proyekto niya ay narooon dahil ang iba sa kanila ay hindi lang guests kundi performers pa sa birthday/anniversary TV special na may titulong Idol Ko Si Bong at iere sa GMA-7 sa Oct.7.

Mapapanood sa TV special sina Sen. Robin, Jillian Ward, Phillip Salvador, Sen. Jinggoy, Maricel Soriano, Beauty Gonzalez, Ara Mina, Sunshine Cruz, Jean Garcia, Rochelle Pangilinan, Rabiya Mateo, Sanya Lopez, Tirso Cruz III, Niño Muhlach, Roi Vinzon, Gardo Versoza, Long Mejia, Betong Sumaya, Mitoy Yonting, Ogie Diaz at siyempre, ang pamilya ni Sen. Bong, sa pangunguna ng misis niyang si Rep. Lani Mercado.

Naroroon din sina Alma Moreno, mag-asawang Aga at Charlene Muhlach, Ruffa Gutierrez, Richard Gutierrez, Tonton Gutierrez, Lorna Tolentino, Amy Austria, Mariel Rodriguez, Iza Calzado, Gabby Concepcion, Angelu de Leon, Gladys Reyes, Jimmy Santos, Bayani Agbayani, Dawn Zulueta, Jackie Lou Blanco, mag-asawang Ronnie Ricketts at Mariz, among others.

Bongga ang number ni Lani and their children. In fairness, ang husay pa rin ng dating aktres/singer na kumanta, huh!

Siyempre pa, masayang-masaya si Sen. Bong at wala na nga raw siyang mahihiling pa sa buhay. Ang hangad na lang niya ngayon ay makatulong pa sa mga tao at sa showbiz industry as well.

“I’m so blessed. Lahat na, ibinigay sa akin ng Panginoon. After what happened to me, yung buhay ko, di ba, parang rollercoaster,” he said.

“Ups and downs, and up. So, I just hope na basta maayos ang lahat, healthy lahat ng pamilya ko.

“Ang bayan natin, ang mga kababayan natin, kung papaano tayo makakatulong, makatulong tayo na talagang mararamdaman ng mga mahihirap nating kababayan ngayon.

“Yun ang ating wish na bigyan pa tayo ng lakas ng loob at sapat na talino para magampanan lahat ito,” pahayag ng birthday celebrant.

Ano naman ang birthday wish ni Lani sa kanyang mister?

“Ang hirap mag-wish para sa isang taong halos lahat ay meron na,” aniya.

“Wish ko, siyempre, siguro sa kanya ngayon — kung ano man ang wish niya ay matupad. At siguro, ‘yung health niya, since medyo bumabata na kami (sabay-tawa), matutukan,” she said.

“At sana ‘yung pangarap namin na mapanumbalik ang sigla ng pelikulang Pilipino. Ganu’n na lang ang wishes namin. Kasi, nakaka-miss talaga na nanonood ka na puno ang mga sinehan.

“Kasi, nag-evolve na ngayon, eh. People are really going digital. So, sana mapanumbalik ‘yung sigla muli ng panonood ng pelikula sa mga sinehan,” saad pa ni Lani.

AUTHOR PROFILE