
Pokwang naka-relate sa kwento nina Vice at Ion
Sa pagdiriwang ng Pride Month 2024, minsan pa ay ipinagmalaki ni Vice Ganda ang pagmamahalan nila ng dyowang si Ion Perez.
Sa Instagram ay nag-post ang Unkabogable Star ng old videos ng show niya kung saan ay ikinukwento niya ang relasyon nila ni Ion.
“I will always retell our story with pain but with high hopes, gratitude, joy and #PRIDE. May WE all continue to love and win. Happy Pride to my LGBTQIA+ community!” caption ni Vice.
Sa isang video na kanyang ipinost ay mapapanood ang pag-alala niya sa ginawang proposal ni Ion sa kanya sa isang episode ng Everybody Sing noong July, 2023.
Aniya, sa halip na maging masaya ay takot ang naramdaman niya nang mag-propose si Ion.
“Naiinis ako kasi hinayaan kong talunin ng takot ‘yung dapat saya kong naramdaman,” emosyonal niyang wika.
Marami kasing mga negatibong komento ang mga tao sa kanilang pagmamahalan ni Ion kaya feeling niya ay nanakawan siya ng joy because of this.
“Ang sarap ng normal, kasi ang normal niyan sa paningin ng marami, ‘di ba? ‘Yung babae saka lalaki, pero ‘yung sa amin hindi normal ‘yung tingin sa amin,” aniya.
“Kaya ‘yung moment na nag-propose sa akin si Ion, nu’ng lumuhod siya, tapos nagbigay siya ng ring, nanginig talaga ako,” dagdag pa niya.
Sey pa niya, “Para sa ibang tao, ang dali lang magmahalan, pero para sa amin, parang ang hirap-hirap.”
Marami naman sa comment section ang naka-relate kay Vice at nakaramdam ng awa sa kanya.
Isa na rito si Pokwang sa na-touch at in-assure si Vice na maraming nagmamahal sa kanila ni Ion.
“Nakakaiyak naman ito nak! @praybeytbenjamin grabe dont worry nak mahal namin kayo ni Ion at para samin na nagmamahal sa inyo karapatan ng mga kagaya nyo ang magmahal, mahalin at maging masaya dahil wala naman kayong tinatapakang tao. love you both #happypride,” mensahe ni Pokie kay Vice.
KANSELADO
SPEAKING of Vice, hindi natuloy ang pinakaaabangan niyang performance sa Love Laban 2 Everyone Pride Night concert nitong Saturday night dahil sa malakas na ulan.
Sa kanyang Instagram Story last Saturday night ay malungkot na inanunsyo ng Unkabogable Star ang kanselasyon ng event.
“Magandang gabi po, madlang people. Gusto ko pong ipaalam sa inyong lahat na ‘yung Pride event po at ‘yung program sa Quezon City Circle ay officially cancelled na po at hindi na po itutuloy dahil sa tuluy-tuloy at malakas na ulan na nagaganap,” ang anunsyo ni Meme Vice.
Humingi ng paumanhin ang TV host/comedian at aniya, nakakalungkot man, kailangang unahin ang safety ng mga tao.
“Hindi na po siya safe ituloy kaya malungkot man kami pero kailangan po nating unahin ang seguridad at safety ng lahat ng taong naroroon. Kaya sa lahat ng nag-aabang ay paumanhin, hindi na po matutuloy ‘yung performance ko at lahat po ng magaganap pa sana sa Pride event,” aniya.
Hindi pa masabi ni Vice kung matutuloy pa rin sa ibang date ang nasabing event at abangan na lang daw ang announcement ng QC government.
“Abangan na lang po natin ang announcement ng Quezon City government at ng Pride PH kung ano ang mga susunod nilang plano, kung mare-reschedule pa ‘yung mga natitirang performances o kung anuman,” aniya.
At dahil nga sa kanselasyon ng event, hindi na rin nakapag-perform ang iba pang headliners ng event tulad ni Gloc-9 at ng BINI.
Earlier that day ay dumalo si Vice sa Quezon City Pride March 2024 at ipinost pa niya ito sa kanyang IGS.
Sa statement naman na inilabas ng Pride Ph at Quezon City government sa Facebook ay ipinaliwanag din nila kung bakit nakansela ang concert.
“Nais naming ipagbigay alam na nakompromiso ang electrical at sound system sa stage nang dahil sa malakas na ulan at posibleng makapinsala sa mga crew at mahal nating performers.
“Dahil dito napagdesisyunan ng mga organizer na unahin ang kapakanan at kaligtasan ng lahat at tapusin nang maaga ang programa ngayong gabi,” bahagi ng statement.
Nagpasalamat din sila sa lahat ng dumalo at sumuporta sa event.
“Ang magandang balita: Lumagpas pa sa ating target na 200,000 ang nakiisa sa ating Pride Festival,” pahayag ng Pride Ph.