PNP

Senglot na parak nanakit, namaril timbog

November 26, 2023 Melnie Ragasa-limena 147 views

ARESTADO ang isang lasing na opisyal ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pananakit, panunutok at pagpapaputok ng baril noong Linggo sa resto bar sa Quezon City.

Nasa kustodiya ngayon ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) si P/Lt. Col. Mark Julio Abong, dating hepe ng QCPD CIDU, na ngayo’y nakatalaga sa Legal Service Department sa PNP headquarters.

Nangyari ang insidente dakong ala-1:00 ng madaling araw sa harap ng Ralyoz Drinkery Lounge Bar sa Scout Rallos corner Scout Tobias sa Brgy. Laging Handa, Quezon City.

Positibong kinilala si Abong nina Lyn Pineda, store manager, at Joseph Matugina, waiter, ng Ralyoz Drinkery Lounge na siyang nanakit, nagwala at nagpaputok ng baril.

Ayon sa report, dumating sa resto bar si Abong na lasing kasama ang ilang kaibigan at kinuwelyuhan si Matugina habang hinahanap si Pineda.

Nang lumabas si Pineda para harapin si Abong, nakita ang lasing na pulis na nakikipagsagutan sa iba pang kustomer ng bar.

Doon na nagpaputok ng baril si Abong at tinutukan ang ilan sa kanyang mismong kasamahan. Agad na rumesponde ang mga tauhan ng QCPD CIDU.

Nakumpiska kay Abong ang isang Glock 40 pistol, isang magazine na loaded ng siyam na bala ng 40 cal. at dalawang basyong cartridges ng 40. cal.

Ayon kay QCPD Director PBGen. Redrico Maranan, kakasuhan ng alarm and scandal, paglabag sa Omnibus Election Code, physical injuries at slander by deed si Abong sa piskalya.

Matatandaan na nasangkot si Abong sa hit-and-run incident kamakailan sa nasabing lungsod.

Dinismis din ito ng People’s Law Enforcement Bureau (PLEB) pero nakaapela ang kaniyang kaso.