Default Thumbnail

Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, The Senate Master of Rule!

June 18, 2022 Marlon Purification 336 views

Marlon PurificationISA tayo sa makaka-miss kay Senator Tito Sotto, ngayong iiwan na niya ang puwesto bilang ika-29 na Senate President ng bansa!

Sa halos dalawang dekada rin nating pagko-cover sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso, nasubaybayn ko rin naman halos ang maraming senador.

Alam natin kung sino sa kanila ang matalino, magaling, maepal at kahit masasama ang ugali sa kani-kanilang staff.

Pero kay Tito Sen, puro magagandang ‘adjective’ ang maibibigay natin. Hindi tayo nagsisipsip, kundi dahil sa nagsasabi lang tayo ng totoo.

Sa lahat halos ng senador na naupo at nawala sa loob ng 20 taon naging pagko-cover sa Senate, si SP Sotto lamang ang alam nating ‘consistent’ na may tangan lagi ng ‘perfect attendance.’

Lahatin na natin sila, siya lamang at si Senador Ping Lacson ang natatandaan kong may ganitong ‘record’ sa attendance. Paminsan-minsan ay may ganitong uri ng ‘perfect attendance’ rin ang nagbabalik na Senator Jingoy Estrada.

Pero iba ang ‘performance’ ni Tito Sen!

Bukod sa ‘perfect attendance,’ hindi rin ito nale-late kahit minsan.

Ika ‘nga, ‘he never arrived on time but he always arrived ahead of time!’

Bilang isa sa pinakaka-senior senator ng 18th Congress, ang 73-taong gulang na senador lang ang humawak ng puwesto bilang Senate President na hindi nagkaroon ng ‘mainit na tensiyon’ sa pagitan ng majority at minority block.

Sa kabila nito, naging ‘fiscalizer’ ang Senado na hindi palaging ‘yes ma’am, yes sir’ lang sa Malakanyang kundi hindi siya nag-aatubing bumatikos sa Duterte administration kung kinakailangan. At pinapanigan naman ang administrasyon kung kinakailangan.

Nitong nagdaang pandemic, si Tito Sen ang ‘brainchild’ at kauna-unahang nagsulong ng ‘Bayanihan to Heal as One Act’ na naging daan upang mapagtibay ang pondo sa ayuda ng ating mga kababayan.

Tuwing may grupo naman o indibiduwal na nais sumira sa ‘institusyon,’ nandiyan agad si Tito Sen upang ipagtanggol Senado.

Loves si Tito Sen ng mga bata at maging ng mga beteranong senador.

Kahit mga Senate employees ay sobrang love nila si SP kasi lahat ng benepisyo, bonuses at mga allowances sa mga Senate staff ay ibinigay nito sa loob ng apat na taong panunungkulan bilang pinuno ng Upper House.

Super love rin siya ng Senate media at iba pang kasamahan natin sa hanapbuhay. Salamat din sa kagalingan ng kanyang mga media handler na sina Ms. Jen Corpuz-Legaspi at dating newsman na si Mike Caber.

Bilang mambabatas, hindi matawaran ang mga accomplishments ni SP.

Ilan sa batas na iniakda nito ay ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022, Family Courts Act of 1997, Anti-Drunk and Drugged Driving Act, Kasambahay Law, Rural Farms School Act, ang pag-amyenda sa Juvenile Justice Law at Intellectual Property Code at naging bahagi rin siya sa pagsusulong ng Cybercrime Prevention Act.

Si Tito Sen din ang dahilan kaya may Expanded Senior Citizens Act, Open High School System, Children’s Safety on Motorcycles Act, Children’s Emergency Relief and Protection Act, National Athletes, Coaches, and Trainers Benefits and Incentives Act, Maritime Industry Act, National Teachers Days, Anti-Hazing Law, Mental Health Law, Pagkaing Pinoy para sa Batang Pinoy Act, Occupational Safety and Health Standards Act, Anti-Hospital Deposit Law at TRAIN Law.

Sandamakmak na batas pa ang naipasa dahil sa kagalingan ni Tito Sen na kung iisa-isahin ko rito ay tiyak kulang ang pahina ng People’s Tonight.

Unang nakilala si Tito Sen bilang miyembro ng comedy trio na Tito, Vic and Joey na hanggang ngayon ay may hawak ng titulong ‘longest running noontime show’ na Eat Bulaga. Bago nito, matagumpay na music writer, musician at record producer si Tito Sen.

Isang ‘champion bowler’ kung saan ni-represent niya ang Pilipinas sa iba’t ibang panig ng mundo at isa ring magaling na golfer ang apo at ‘grandnephew’ ng mga dating mambabatas na sina Senators Vicente at Filemon Sotto.

Si Tito Sen ang buhay na patunay na hindi porke artista ay hindi na puwedeng maging magaling na mambabatas dahil lahatin na natin ang mga artistang naging Senador, si SP Sotto ang may impresibong performance sa plenaryo noon at ngayon!

Naging vice-mayor ng Quezon City kung saan ay kinilala siya bilang anti-drug advocate at nagtatag ng Vice-Mayor’s League of the Philippines. Naging chairman ng Dangerous Drugs Board at naging senador nang halos dalawang dekada.

Ang pinakamalupit pa kay SP Sotto, siya ang itinuturing na Master of Rule ng Mataas na Kapulungan dahil kabisado nito ang buong ‘Senate Rules’ sa plenaryo.

Si Tito Sen ang sinasabing ‘walking encyclopedia’ pagdating sa Senate rules. Partida pa iyan at hindi abogado si SP!

Isa pang nakahahanga sa kanya, hindi natin nakita si Tito Sen na manira sa mga kandidato.

Kaya nga nitong nakalipas na kampanya ay pareho sila ng direksiyon ni Senator Ping na mag-‘focus’ lamang sa kanilang plataporma de gobyerno at hindi dapat maging ‘nega.’

Hindi nga lang naging epektibo ang kanilang ‘strategy’ kaya natalo sila sa eleksiyon pero maraming tao naman ang humanga sa kanila ni Senator Ping.

Alam kong hindi rito magtatapos ang ‘career’ ni Tito Sen sa pagpasok ng BBM administration.

Naniniwala tayong may ibang ‘journey’ pa ang naghihintay sa lodi nating senador.

Good luck sayo SP Sotto and binabati kita, kasama ang iyong media team na sina Jen at Mike, ng isang sinserong ‘Congratulations for a Job Well Done’ para sa ating bayan!

Matikas na pagsaludo po!