Gatchalian

Sen. Win sa ECs: Humanap ng paraan sa pagpapababa ng power

March 7, 2024 PS Jun M. Sarmiento 75 views

HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mga electric cooperatives (ECs) na maghanap ng paraan para mapababa ang halaga ng kuryente para sa kapakanan ng mga konsyumer habang isinusulong niya ang paggamit ng renewable energy (RE) sa mga lugar ng Small Power Utilities Group (SPUG).

Inihalimbawa ni Gatchalian ang kaso ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO), na matagumpay na nakatipid para sa mga konsyumer sa pamamagitan ng paggamit ng hybrid system sa pagbibigay ng kuryente.

Sa pamamagitan ng grant mula sa Germany na naglalayong bumuo ng mga hybrid system para sa mga off-grid na lugar, pinalawak ng ROMELCO ang hybrid system nito.

Sa kasalukuyan, ipinagmamalaki nito ang energy mix na 73% diesel at 27% solar. Sinimulan ng kooperatiba ang isang proyekto upang higit pang taasan ang gamit nito ng renewable energy (RE) sa 90% at 10% na lang ang diesel.

Ayon kay ROMELCO General Manager Rene Fajilagutan, ang tinatawag na ‘levelized cost of electricity’ (LCOE) sa kaso ng solar noong 2023 ay P3.80/kWh, mas mababa kaysa sa tunay na generation cost na hanggang P28/kWh para sa diesel sa ilang maliit na isla sa Romblon.

Sinabi rin ni Fajilagutan na nakaipon ang paggamit ng RE sa Romblon ng humigit-kumulang P150 kada buwan para sa mga sambahayan na kumokonsumo ng humigit-kumulang 50 kWh at nag-aambag sa isang system-wide savings na humigit-kumulang P100 milyon noong 2023.

Higit pa sa layunin na makamit ang 100% electrification sa kanilang mga service areas, dapat mag-strategize ang mga kooperatiba upang maibaba ang presyo ng enerhiya, ayon kay Gatchalian.

“Alam kong napakahirap na bawasan ang mataas na singil sa kuryente ngunit ang mga kooperatiba ay dapat na patuloy na nagsusulong ng mga paraan para mapababa ang halaga ng kuryente,” sabi ni Gatchalian.