Robin

Sen. Robin kumampi sa riders, doble plaka act gusto amyendahan

March 7, 2024 PS Jun M. Sarmiento 71 views

KUMAMPI si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa mga motorcycle riders na nanawagan palitan ang umano’y nakapipinsalang Republic Act 11235 (Motorcycle Crime Prevention Act), o ang “Doble Plaka” Act.

Iginiit ni Padilla na bigo ang kasalukuyang batas sa pagkamit ng layunin nitong pigilan ang krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem.

“Ako po ay isa sa mga rider na umaasa na magkaroon ng pagbabago sa batas na ito sapagka’t hindi ito talaga nakatulong sa anumang usapin,” sabi ng senador sa kanyang interpelasyon sa Senate Bill 2555 na layuning amyendahan ang RA 11235.

Dagdag niya, mismong Land Transportation Office ang nagsabing hindi nito maipatupad ang batas dahil bagama’t 1.4 milyon ang registered na motorsiklo, mahigit 10 milyon naman ang hindi.

Ipinunto rin ni Padilla na maaaring makapinsala ang batas dahil sa requirement nitong maglagay ng plaka sa harap at likod ng motorsiklo, na hindi designed para lagyan ng plaka sa harap.

Ayon kay Sen. Francis Tolentino, isa sa mga may-akda at sponsor ng Senate Bill 2555, lumalabas sa datos ng Philippine National Police Highway Patrol Group na sa 1.412 milyong nakarehistrong motorcycles, katiting na 57 lang ang may kinalaman sa krimeng “riding-in-tandem.”

Dagdag ni Tolentino, apektado ang Pilipinong gumagamit ng motor para ihatid ang asawa sa trabaho at anak sa paaralan at sa hanapbuhay bilang delivery riders. “Hindi sila kriminal… Hindi natin sila dapat ituring na kriminal,” aniya.

Bukod dito, iginiit ni Tolentino na sinuspindi ng LTO ang implementasyon ng batas dahil sa backlog ng motorcycle license plates, na umabot ng mahigit 10 milyon as of Pebrero 29, 2024.