
Sen. Lito, Sen. Bong, Sen. Jinggoy at Sen. Robin, posibleng idirek ni Coco
POSIBLE pa rin palang matuloy ang malaking pelikula na binabalak pagsamahan ng tinaguriang “Apat na Sikat” sa Senado na sina Senators Bong Revilla, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Robin Padilla at Sen. Lito Lapid.
Ito ang isa sa mga ibinalita ni Sen. Lito nang humarap kamakailan sa entertainment press para sa isang pre-Valentine chikahan at kumustahan.
Aniya, si Sen. Jinggoy ang napipisil nilang mag-produce ng nasabing proyekto na inspired ng Hollywood film nina Sylvester Stallone atbp.
“May plano talaga ‘yon,” kwento pa ng senador. “Sabi ko sa kanila, ‘wag tayong magpabayad, ibigay na lang natin ‘yung kita du’n sa mga (taga) movie industry, mga stuntman, mga artista, parang may foundation. Mas maganda na maging halimbawa kami, pwedeng magbigay. Tutulong kami sa mga producer, tutal may ibang trabaho naman kami. Para magkaroon ng trabaho ‘yung mga stuntman, mga ekstra, mga artista.”
Kinausap na rin daw ni Sen. Lito si Coco Martin, na nakasama niya sa Kapamilya action serye na FPJ’s Ang Probinsyano at makakasama muli sa Batang Quiapo, pa maging direktor nila sa movie.
“Para walang selosan,” katwiran niya. “Sabi niya, ‘baka hindi ako paniwalaan, Tito.’ Paniniwalaan ka d’yan sabi ko, kasi sa panahon ngayon, mas sikat ka sa amin, eh. ‘Di ba? Totoo naman ‘to, eh, ‘di ba? Saka bata ka, sabi ko, walang makikialam sa amin. Para walang selosan, ‘di ba?”
So far, wala pa raw silang napag-usapan nina Sen. Jinggoy pagdating sa mga magiging leading lady nila.
“Basta, aksyon lang talaga,” banggit pa ni Sen. Lito tungkol sa pinakaaabangan nilang pagsasama sa big screen.
Bago ‘yon, muli silang magkakasama ni Coco sa Batang Quiapo ng Dreamscape Entertainment at CCM Film Productions.
Base ito sa 1986 action-comedy na pinagbidahan ng yumaong Da King Fernando Poe Jr. at Maricel Soriano.
Ani Sen. Lito, “Nagagalak ako na ako ay nabigyan muli ng oportunidad upang mapasama sa hanay ng magagaling na aktor. Magandang pagkakataon ito upang itampok ang mayamang kultura at kasaysayan ng Quiapo at ipakita ang kahalagahan ng pagpprotekta at pagpapahalaga sa distrito.”
Bukod kina Sen. Lito at Coco, nasa cast din ng Batang Quiapo sina Charo Santos-Concio, Mark Lapid, Christopher de Leon, Cherry Pie Picache, Lovi Poe (anak ni FPJ) at marami pang iba.