Bong Go

Sen. Go, Sec. Gibo iisa tindig vs military pension reform

September 15, 2023 People's Tonight 280 views

Bong GoSA pagdinig ng Commission on Appointments committee noong Miyerkules, inihayag ni Senador Christopher “Bong” Go na nagkakaisa sila ng paninindigan ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro, Jr. laban sa panukalang reporma sa pensiyon ng militar, partikular sa isyu ng pagpapataw ng mandatory contribution at pag-alis ng “automatic indexation” ng military pensioners.

Ipinaliwanag ni Go na may mga alternatibong paraan upang matugunan ang mga pangangailangang pinansyal nang hindi naaapektuhan ang pensiyon ng mga kasalukuyang retirado at mga nasa aktibong serbisyo pa rin.

“Bagama’t naintindihan po natin ang sitwasyon ng ating mga finance managers at tumataas na budgetary needs ng gobyerno at sa posibleng paglobo ng kakailanganin na pondo po para sa pension, naniniwala ako na may ibang paraan upang matugunan ito nang hindi maapektuhan ang pension ng ating kasalukuyang retirees at mga nasa active service,” ani Go.

Isinuhestyon ni Go ang pagsasaayos at pagpapalaks sa pagkolekta ng buwis at paglansag sa corruption sa gobyerno.

Binanggit ni Go na noong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay tinaasan ang sahod ng mga militar at unipormadong tauhan.

“Huwag nating kalimutan na noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nagsikap tayo na mapataas ang sweldo ng ating mga uniformed personnel,” ani Go.

Ipinaliwanag niya ang sama-samang pagsisikap ng Kongreso upang makamit ang pagtaas ng suweldo kaya nag-aalala siya sa potensyal na epekto ng mandatoryong kontribusyon sa pagtaas ng suweldo.

“Naniniwala rin po ako na hindi natin dapat bawiin sa pamamagitan ng contributions ang matagal na nilang inasam na pagtaas ng sahod,” anang senador.

Binigyang-diin niya na kailangang isaalang-alang ang pangmatagalang epekto ng panukalang reporma sa pensiyon sa buhay ng mga kasalukuyang tauhan ng militar.

“Huwag naman po sanang bigay-bawi. Tandaan natin na marami sa ating kasundaluhan ay mayroon nang plano sa kanilang mga matatanggap kapag magre-retire. Nakaplano na yan, naka-loan, may babayaran na yan at pamilya…nakalaan na yan para sa kanilang mga anak,” anang mambabatas.

Dati na niyang iminungkahi na ang anumang reporma sa pensiyon ay hindi dapat makasama sa mga pensiyonado at sa mga nasa aktibong serbisyo.

Kaya naman ipinahayag ni Go ang kanyang buong suporta sa ad interim appointment ni Teodoro bilang kalihim ng Department of National Defense (DND).

“Habang tinatalakay natin ang kapakanan ng ating mga unipormadong tauhan, napakahalaga na mayroon tayong karampatang at maaasahang indibidwal na namumuno sa DND. Buo kong sinusuportahan ang ad interim appointment ni Secretary Gibo Teodoro para sa tungkuling ito,” deklara ni Go.

Pinuri niya ang dating pagganap ni Teodoro bilang DND secretary sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Si Sec. Gibo Teodoro Jr. ay isang taong may kakayahan at integridad. Ito po ay napatunayan na nung una siyang manungkulan bilang kalihim ng Department of National Defense noong panahon ni Pangulong Arroyo,” ayon sa senador.

Binanggit niya na ang pangunahing layunin ni Teodoro sa kanyang nakaraang termino ay nakatuon sa modernisasyon ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at DND, pagtataguyod ng karapatang pantao, at maagap na diskarte sa disaster risk management.

“Tulad ni Secretary Gibo, kapareho ko ang adbokasiya niya sa pagpapalakas ng paghahanda at pagtugon sa ating bansa, kaya naman nag-file ako para sa paglikha ng Department of Disaster Resilience (DND),” ayon pa sa senador.

AUTHOR PROFILE