
Airports ng PH ayusin–Gatchalian
HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) na unahin ang pagpapalawak at rehabilitasyon ng mga paliparan para mapahusay ang paglalakbay sa himpapawid at suportahan ang industriya ng turismo.
“Kailangan nating palawakin ang ating mga kasalukuyang paliparan, magtayo ng mga bagong terminal at ilipad ang mga turista diretso sa kanilang mga destinasyon,” sabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng DOTr sa pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng departamento.
Ayon sa senador, maganda ang karanasan ng mga turista sa Bohol dahil nakapunta sila sa lalawigan nang hindi na dumaan sa Manila international airport.
Kabilang aniya sa mga paliparan na dapat palawakin, ayon sa senador, ang nasa Camarines Norte, Southern Leyte at North Cotabato.
Ayon sa senador, magpapahusay sa mga aktibidad ng turismo sa mga lalawigang ito, lilikha ng mas maraming trabaho, at magpapatibay sa lokal na ekonomiya ang pagpapalawak at rehabilitasyon ng naturang mga paliparan.
Iminungkahi ni Gatchalian na dahil kadalasang hindi nagagamit ang lahat ng inilaang pondo para sa pagkuha ng mga right-of-ways, maaaring maglaan ang DOTr ng bahagi sa 2024 budget nito para sa right-of-ways sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) upang magamit sa pagpapalawak ng mga paliparan.
Kung ang paggamit ng P1.65 bilyong pondo para sa right-of-ways sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA) ang pag-uusapan, napakababa ng antas nito.
Sinabi rin ni Gatchalian na tumaas nang malaki sa P163 bilyon ang pondo ng DOTr para sa sektor ng riles kahit na hindi nagagamit ang lahat ng pondong ibinibigay ng national government sa departamento.
Ang tugon naman dito ni DOTr Secretary Jaime Bautista, mahigpit na ang koordinasyon ng departamento sa mga kontraktor nito para mapabilis ang pagpapalabas ng bayad.
“Mahalagang bigyang-diin na kailangan nating pagbutihin ang kapasidad ng departamento na gumastos at natutuwa kaming marinig na nakikipagtulungan kayo sa inyong mga kontratista,” sabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng DOTr.