
Sen. Bong, tumanggap ng YT Silver Play Button… mamimigay ng P1M, 2 kotse, 5 motorsiklo, atbp.
Natanggap na ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. ang YouTube Silver Play Button dahil sa dami ng subscribers sa kanyang YouTube channel.
Naantala ang naturang pagkilala mula sa YT dahil halos dalawang taon na ang nakalipas mula nang magkaroon ito ng 100,000 subscribers.
Sa ngayon, mahigit 264,000 na ang subscribers ni Sen. Bong at patuloy pa itong dumarami.
“Matagal ko na itong hinihintay, pero iba pa rin pala ang pakiramdam kapag hawak mo na ‘yung kahon, unti-unti nang binubuksan hanggang mahawakan ko na ‘yung Silver Play Button.
“Taus-puso ang pasasalamat ko sa lahat ng subscribers na nakatutok palagi sa akin… maraming salamat sa inyong lahat,” nakangiting pahayag ng senador-aktor.
Dahil dito, tiniyak ni Revilla na mas marami pang sorpresa ang kanyang ihahanda para sa kanyang channel sa mga darating na araw.
“Sa mga hindi pa naka- subscribe, click na at makisaya. I-click ang notification bell para laging updated.
“Join na sa ating Road to 1 Million Subscribers para sa YouTube Gold Play Button,” pahayag pa ng tsinitong aktor/politiko.
Samantala, gusto n’yo bang maging instant milyonaryo?
‘Yan ang tanong ni Sen. Bong sa bago niyang Amazing Pamasko ni Pogi na gagawin sa Disyembre 17 at 18, Sabado at Linggo, alas-kuwatro ng hapon.
Tumataginting na P1M ang ipamamimigay, dalawang kotse na Suzuki S-Presso at limang motorsiklo.
Maaari ring mag-uwi ng tig-P1,000 at iba pang sorpresa’t cash prizes ang mga sasali.
Mag-submit lang ng entry hanggang 11:59 ng gabi sa Disyembre 11.
Siguruhin ding naka-follow at naka-subscribe sa kanyang official Facebook page, YouTube channel, Instagram at Tiktok accounts para makasali sa #AmazingPamaskoNiPogi raffle promo.
“Malay n’yo, ito na ang pagkakataon n’yo para maging milyonaryo? Basta, tutok lang!” pagwawakas ni Sen. Bong.