Bong

Sen. Bong, emosyonal sa lamay ng nanay-nanayan sa showbiz

September 12, 2023 Ian F. Fariñas 302 views

RobinEthelAndrea1Aga, bitbit ang pamilya sa burol ng talent manager

BUMUHOS ang pakikiramay ng malalaking pangalan sa show business sa unang gabi ng lamay ng dating talent manager/showbiz columnist at tinaguriang “Dean of Philippine Entertainment Journalism” na si Ethel Ramos sa Narra Room ng Nacional Chapels and Crematory sa Araneta Avenue nitong Lunes.

Tatlong senador na nagmula sa industriya ang nagbigay-pugay kay Tita Ethel — sina Senators Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Robin Padilla.

Naroon din, siyempre, ang OG alaga niya na si Aga Muhlach kasama ang misis na si Charlene Gonzalez at kambal na anak na sina Andres at Atasha Muhlach.

Damang-dama ang pangungulila ni Sen. Bong para sa isa sa mga itinuring niyang nanay-nanayan sa showbiz. Hindi niya napigilang maluha nang lapitan ang kabaong para mag-alay ng dasal at pasasalamat.

Todo alalay naman sa senador ang misis niyang si Cong. Lani Mercado na, incidentally, ang nakadiskubre sa showbiz ay si Tita Ethel katuwang ang kapwa veteran showbiz columnist na si Nora Calderon.

Kwento ni Aga, nu’ng kasagsagan ng pandemic, napag-usapan na nila ng kanyang manager of 30 years ang tungkol sa kamatayan.

Parte nga naman ito ng buhay ng tao. At dahil ulila nang lubos sa sariling mga magulang, tanggap ni Aga ang ganitong pangyayari kahit pa gaano kalungkot at kasakit.

Bawat isa sa celebrity friends ni Tita Ethel na eventually ay naging pamilya na niya, may kanya-kanyang kwento sa buti ng pakikpagkaibigan ng batikang manunulat/talent manager.

Bukod kina Senators Bong, Jinggoy at Robin, Cong. Lani, Charlene, Andres at Atasha, nandu’n din si Antipolo Mayor Junjun Ynares at nakiramay din ang iba pang mga artista tulad nina Ricky Davao, Lester Llansang, Azenith Briones, Deborah Sun, Nadia Montenegro, atbp.

Samantala, ngayong Miyerkules gaganapin ang necrological services para kay Tita Ethel at 8 p.m. Pangungunahan ang misa ni Fr. Joey Faller at ng Oasis Choir.

Bukas, Huwebes, naka-schedule ang cremation, 12 noon.

AUTHOR PROFILE