Crime

Selosong mister kinatay si misis, nagbaril sa sarili

December 20, 2023 Zaida I. Delos Reyes 180 views

NAGPAKAMATAY sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili diumano ang isang lalaki matapos nitong patayin ang kanyang asawa dahil umano sa selos nitong Martes ng gabi sa Vigan City, Ilocos Sur.

Nakilala ang mga nasawi na sina Esperanza Manicar Reyes, isang overseas Filipino worker, at asawa nitong si Glemar Reyes, 26-anyos.

Batay sa ulat ng pulisya sa Ilocos City, naganap ang insidente dakong 8:15 ng gabi sa loob ng tahanan ng mag-asawa na matatagpuan sa Barangay San Pedro.

Ayon sa mga kapitbahay ng mag-asawa, narinig nila ang dalawa na nagtatalo diumano dahil sa selos at sa gitna ng kanilang pag-aaway ay pinagbabaril umano ng lalaki ang kanyang misis.

Matapos ang pamamaril ay nagbaril umano sa sarili si Glemar na naging sanhi ng kanyang kagyat na kamatayan.

Dinala naman ng mga rumespondeng awtoridad si Esperanza sa Ilocos Sur Provincial Hospital, subalit ideneklara siyang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.