Posas

Sekyung senglot nagpaputok ng boga timbog

January 2, 2024 Melnie Ragasa-limena 138 views

TIMBOG sa pulisya ang isang lasing na security guard na nagpaputok ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Brgy. Baesa, sa Quezon City.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 11926 o Indiscriminate Discharge of Firearms at R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Regulation Act ang suspek na si Boy Bagua, 44, ng naturang barangay.

Naaresto ang sekyu ng mga pulis ng Talipapa Police Station (PS 3) matapos makatanggap ng sumbong kaugnay ng indiscriminate firing sa Baesa Road, Brgy. Baesa, Quezon City.

Lumilitaw na nakainom ang suspek at nakasukbit pa ang baril sa kanyang beywang ng arestuhin.

Narekober sa kanya ang isang cal. 38 na kargado pa ng bala.

Samantala, ikinatuwa ni Quezon City Police District Director PBGen. Redrico Maranan na walang naitalang krimen sa siyudad sa pagsalubong sa 2024.