Posas

Sekyu na suspek sa pagpatay nahuli

April 9, 2024 Edd Reyes 67 views

TIMBOG ang sekyu na tumodas sa bading na street sweeper sa Valenzuela City noong Lunes sa Quezon City.

Ayon sa report kay Northern Police District director Police Brig. Gen. Rizalito Gapas ni Col. Salvador Destura Jr., hepe ng Valenzuela police, nangyari ang pamamaril sa biktimang si alyas Glemor, 41, noong Linggo sa Bypass Road, Brgy. Veinte Reales.

Hindi nakapalag ang suspek na si alyas Tanieca, 25, ng dakmain ng mga tauhan ni Destura dakong alas-2:00 ng hapon sa Seminary Road, Project 8, Quezon City.

Nahuli ang sekyu sa tulong ng mga CCTV at pakikipagtulungan ng kasamahang security guard ng salarin.

Sa pahayag ng testigong si alyas Sarmeo kay P/Cpt. Armando Delima, hepe ng Investigation Unit, nagkita sila ng biktima sa lugar para mang “hala” ng lalaki ng dumating ang suspek dakong alas-10:00 ng gabi na kaagad niyang inalok makipag-sex pero hindi sila nagkasundo sa presyo.

Ang biktima naman ang kumausap kay Tanieca at bahagya silang lumayo habang nag-uusap pero ilang minuto lang binaril na ng suspek ang kanyang kasama bago tumakas, tangay ang bisikleta at cellphone ng nasawi.

Positibong kinilala ni Sarmeo ang suspek at nabawi rin sa kanya ang tinangay na bisikleta at mobile phone ng biktima na may kabuuang halagang P15,500, pati na ang kalibre .38 na baril at apat na bala.

Ipiprisinta ng pulisya sa Valenzuela City Prosecutor’s Office ang suspek para sa inquest proceedings kaugnay sa kasong robbery with homicide na isasampa laban sa kanya.

AUTHOR PROFILE