
Salceda: Pagbukas ng BIA, hudyat ng mabilis na pagsulong ng Albay
DARAGA, Albay – Ang pasinaya kamakailan ng bagong Bicol International Airport (BIA) sa bayang ito ay hudyat ng manilis na pagpapaimbulog ng Albay at Bicol tungo sa higit na masiglang ekonomiya, at bilang ‘Çonvention Capital’ ng bansa, ayon kay House Ways and Means Committee chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda.
Pinangunahan ni Pangulong Duterte ang pasinaya sa paunang gamit ng BIA sa araw. Sa ika-7 pa ng Nobyembre pasisimulan ang pang-gabing paglipad ng eroplano doon. Sa Mayo 2022 pa pasisimulan ang ‘international operations’ nito pagkatapos makumpleto ang pagsusuri nito ng International Civil Aviation Organization.
”Higanteng pang-akit na kami ng turismo. Nais naming maging ‘Convention Capital’ ng bansa ang Albay at malaking suporta ang BIA sa pagsiskap naming tungo rito,” pahayag ni Salceda na siyang nagpanukala at sumubaybay sa pagtatag ng paliparan sa loob ng halos 20 taon at sa ilalim ng tatlong administrasyon.
“Magsisilbng pinakamalakas na tulak ang BIA sa amin tungo sa higit na masiglang ekonomiya. Maluwag nitong matatanggap ang 3,000 pasahero, kumpara sa 600 lamang sa Legazpi Domestic Airport. Tinatayang mga dalawang milyong pasahero ang maseserbisyuhan ng BIA sa loob ng isang taon, na marami ay mga dayuhan,” dagdag niya, Ayon kay Salceda, ang P4.7 bilyon BIA – ang kauna-unahang ‘international airport’ sa timog ng Manila – ay matagal nang pangarap ng mga Albayano at ng buong Bicol para maging kapaki-pakinabang ang yaman nila sa turismo, maginhawa at murang biyahe, magaang pag-uwi ng mga OFW, at layuning maging pintuan ang Albay sa Pacific region.”
Ang 10-12 oras na paglalakbay sa pagitan ng Manila at Albay ay isa sa mga hadlang sa pagsulong ng ekonomiya ng Bicol. Dagdag pa rito ang bahaing kinalalagyan ng Legazpi Domestic Airport na malapit sa panganib ng Bulkang Mayon, puna ng mambabatas.
Sa kabilang dako, ang BIA ay nasa 148 ektaryang mataas na kapatagan, malayo sa panganib ng bulkan, ngunit kitang-kita ang alindog ng Mayon. Mayron itong 2.5-kilometrong ‘runway strip,’ kumpletong paslidad sa paglipad at paglapag ng eroplano araw man o gabi, ‘air traffic control tower,’ pampasahero at pang-kargong terminal, ‘contactless check-in booths,’ paradahan ng mga sasakyan, at pamatay-sunog, bukod sa iba pa.
Nakatuon sa masiglang pagsulong ang programang ‘Quantum Leap to the Future’ o ‘Malayong Lukso sa Hinaharap’ ni Salceda para sa kanyang distrito na naka-ankla sa makabagong mga impraestraktura. Kasama rito ang BIA at dalawa pa na siya rin ang nagpanukala – ang Quezon-Bicol Expressway o Toll Road Five (TR5), at ang PNR South Long Haul project.
Sinabi ng mambabatas ng ngayon ay tatakbo muli bilang kongresista, na itutulak niya ang pangkaunlaran niyang programa para sa kanyang distrito na itinuturing na ‘Capital District’ ng buong Bicol at ‘pintuan ng Pilipinas sa Pacific’ para maging pinakamabilis ang pag-unlad nito sa buong kasaysayan.”
Ang BIA ay magkatuwang na pangangasiwaan ng Aboitiz Infra-capital at DAA, Inc., na siya ring nangangasiwa sa Dublin Airport kung saan iniugnay ang Panglao at Laguindingan airport.
“Kaakibat nito ang paglobo ng dami ng mga pasahero, higit na pangangailangan sa tubig, kalinisan at ‘sewerage services’ para sa Metro Legazpi, kasama na ang Daraga, kaya kailangan ding isaayos ang Metro Legazpi Urban Transport Network na mag- uugnay sa silangan at kanlurang banda ng Paliparan,” dagdag niya.