Kulong

Riding in tandem tiklo sa mga pagpatay, droga, boga

December 28, 2023 Edd Reyes 162 views

NABUKING ang mga kaso ng dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo ng nasita sa checkpoint dahil walang suot na helmet at may dalang baril noong Miyerkules sa Malabon City.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., sangkot sina Allan Soriano, 23, ng Binondo, Manila at Cir Sandricks Vipinosa, 41, ng Tondo sa naganap na pamamaril sa isang eskinita sa Gate 56, Area H, Parola, Binondo na sakop ng Manila Police District (MPD) dakong alas-2:50 ng madaling araw noong Miyerkules.

Nabisto rin ng pulisya na sangkot si Soriano, na gumagamit ng alyas na Allan Ace Cabanayan, sa ilegal na droga at nahuli na noong Oktubre 17, 2018 ng MPD Police Station 11.

Sangkot din siya sa mga pagpatay sa Brgy. 97, Raxabago, Tondo, sa Brgy. 678 sa Ermita, Manila at sa Brgy. 90 sa Caloocan City noong Oktubre 24, 2023.

May rekord na rin ng pagkakasangkot sa ilegal na droga ang ka-tandem niya na si Vipinosa sa Brgy. 6, Tondo, Manila noong 2020.

Dakong alas-4:45 ng hapon noong Miyerkules nang isilbi ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan kay Soriano ang warrant of arrest para sa kasong murder.

Nadakip ang dalawa ng alas-4:00 ng madaling araw sa isang police checkpoint sa kanto ng Governor Pascual at Nangka Road sa Brgy. Potrero matapos masita sa hindi pagsusuot ng helmet.

Nakuha sa kanila ang isang kalibre .40 at kalibre 9mm na pistola na may bala.

“The incidental discovery of the firearms during a checkpoint operation highlights the vigilance and commitment of our police in ensuring public safety,” ayon sa statement ng NCRPO chief.

AUTHOR PROFILE