Crime

Rider sumaklolo sa pinsan, binaril, sugatan

February 4, 2024 Melnie Ragasa-limena 160 views

SUGATAN ang Food Panda rider matapos barilin ng saklolohan niya ang kanyang pinsan na hinahabol ng dalawang kapitbahay na may baril sa Quezon City noong Linggo.

Ginagamot sa ospital sa Quezon City ang biktima na si Darwin Prada.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Project 6 Station 15, bandang alas-12:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Sinagtala court, sa Brgy. Bahay Toro.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Paolo Gil Niño, umiinom ng alak ang biktima sa sari-sari store nang marinig niya ang pinsan na si Daniel Prada na sumisigaw habang hinahabol ng kanilang kapitbahay na sina Justin Novi at Renzon Novi na armado ng baril.

Agad namang sinaklolohan ng biktima ang pinsan at hinabol din nito ang mga suspek pero siya ang pinagtuunan at binaril sa paa.

Agad na isinugod sa Quezon City General Hospital ang biktima ng nakasaksing tricycle driver habang tumakas ang suspek.