Default Thumbnail

Rider pisak sa trak

December 22, 2023 Jojo C. Magsombol 173 views

PISAK ang rider matapos masabitan ang kanyang motorsiklo ng truck, nahulog sa kalsada, nakaladkad at tuluyang nagulungan sa Brgy. Mahayahay, Lemery, Batangas noong Huwebes.

Taga-Brgy. Pantay Pag-asa, Calaca, Batangas ang nasawi na si Christopher Mendoza Alamag, 48, ayon sa Lemery police.

Base sa report, tumatakbo ang Rusi Surf ni Alamag sa kaliwang bahagi ng Isuzu tractor (NFZ 7653) sa highway bandang alas-12:20 ng madaling araw patungo sa Lemery nang aksidenteng masagi ang motor.

Isang 37-anyos na lalaki at residente ng Upper Village, San Juan, Kalayaan, Laguna ang driver ng trak.

Dahil sa impact, tumagilid ang motorsiklo sa kalsada at nahulog ang driver. Habang nakahandusay, nakaladkad at nagulungan ng kaliwang gulong ng trak ang rider.

Nagtamo ng grabeng pinsala sa iba’t-ibang parte ng katawan ang rider na naisugod pa sa ospital pero idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Ang driver ng trak ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Lemery police.

AUTHOR PROFILE