Default Thumbnail

Rider nag-angkas ng bata sa delivery box, lagot sa LTO

March 4, 2023 Jun I. Legaspi 288 views

Lisensya suspendido ng 90 araw

SUSPINDIDO ng 90-araw ang lisensya sa pagmamaneho ng delivery rider na may angkas na pinaniniwalaang bata ngunit nasa loob ng insulated bag na nagsisilbing delivery box.

Kaugnay nito’y nagpalabas na rin ng show cause order ang Intelligence and Investigation Division (IID) ng Land Transportation Office (LTO) upang paharapin at imbestigahan ang rider hinggil sa insidente sa darating na Marso 6, Lunes, alas-dos ng hapon.

Ayon kay LTO-IID Officer-in-Charge Renan Melitante, pinagsusumite nito ang rider ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa mga kasong administratibo dahil sa posibleng paglabag sa Section 4 ng Republic Act 10666 (Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015), at Section A, Title I ng Joint Administrative Order No. 2014-01 (Driving with an Inappropriate Driver’s License Classification).

Natuklasan din ng IID na ang lisensiyang gamit ng nasabing drayber ay non-professional gayung dapat ay professional driver’s license bilang delivery rider.

Pinagpapaliwanag ang motorcycle rider kung bakit hindi dapat masuspinde o bawiin ang kanyang lisensiya bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle alinsunod sa Section 27(a) ng R. A. 4136.

Inatasan din siya na dalhin ang kanyang motorsiklo sa LTO para sumalang sa inspeksyon ng Motor Vehicle Inspection Center.

Naka-alarma na ang driver’s license at motorsiklo ng rider habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang ahensya upang hindi muna ito magamit sa ano mang transaksyon.

Ang hindi pagsipot sa imbestigasyon ng nasabing drayber ay nangangahulugan ng pagsuko ng karapatan nito upang marinig ang kaniyang panig bukod pa sa posibleng kaharaping parusa sa ilalim ng batas.

“Nauunawaan natin ang pangangailangan na kumita pero hindi dapat makalimutan na mas mahalagang ikonsidera ang kaligtasan at disiplina sa kalsada lalo na kung ang maaaring manganib ay buhay ng isang inosenteng bata,” diin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.

AUTHOR PROFILE