Rhen

Rhen at Rita, may kilig factor ang friendship

December 8, 2021 Vinia Vivar 335 views

Aminado ang mga bida ng upcoming GL (girl’s love) series na Lulu na sina Rhen Escano at Rita Martinez na kinikilig sila mismo sa kanilang mga eksena together.

Sa trailer pa lang talaga ay hindi maipagkakailang napakalakas ng chemistry ng dalawa at may kilig talaga.

“Unang beses ko pa siyang (trailer) napanood kahapon and hindi ko po talaga mapigilan ang sarili ko. Nakakakilig po talaga siya. Na parang kung ano po mismo ang napi-feel ko nu’ng shoot namin, mas doble po nu’ng nakita ko na, eh.

“So, sana, maramdaman din po ng mga tao ‘yun. Nakaka-excite siya kasi ako mismo, madalang ko pong maramdaman ‘yun sa sarili ko. Na maku-convince ko ‘yung sarili ko du’n sa ginagawa ko.

“Nakakatuwa. Na okay, kinilig ako sa sarili ko, kinilig ako sa mga ginawa namin. So, para sa akin, big deal siya,” sabi ni Rhen sa digital presscon ng Lulu.

Sey naman ni Rita who’s a lesbian in real life, “Nakakakilig siya kasi very authentic ‘yung relationship ni Sophie (Rhen) and Abi (Rita), ‘yung kung anuman ‘yung na-establish nu’n.

“So, when I saw the trailer, siyempre, wow, kinikilig din ako. Actually, nakakakilig nga siya talaga.”

Maging ang direktor na si Sigrid Bernardo ay kumbinsido agad na malakas talaga ang chemistry nina Rhen and Rita sa look test pa lang.

“Nang nakita ko sila via Zoom na nagsama silang dalawa, doon na ako naging kampante talaga. Nakita ko talaga ‘yung chemistry nila and it’s very natural. Gusto ko ngang maging sila na, joke! (sabay-tawa). But no, it’s still acting I know.

“But iba ‘yung chemistry nila. Hindi pa sila umaarte, nandu’n na, eh,” sey ni direk Sigrid.

Unang sabak ito ni Rita sa pag-arte at base sa trailer ay naka-deliver naman siya.

Matatandaang unang nakilala si Rita nang maging contestant at semi-finalist sa The Voice Philippines Season 2.

Aminado rin si Rita na talagang LGBTQ+ advocate siya at first appearance pa lang niya sa The Voice ay talagang sinabi na raw niya na, “I’m gay, I’m proud to be a lesbian.”

Ngayon pa lang ay tinatanong na nga sina Rhen at Rita kung may namumuo bang pagtitinginan sa kanila since ang lakas ng kilig factor sa kanila, pero ayon sa dalawa, talagang real friendship lang daw ang nabuo sa kanilang pagsasama sa serye.

Magsisimula nang mapanood ang Lulu sa Vivamax sa January 21, 2022.

AUTHOR PROFILE