Mowel

Puregold CinePanalo Film Festival at Mowelfund nagsanib-pwersa

March 10, 2024 Ian F. Fariñas 113 views

Inanunsyo ng Puregold CinePanalo Film Festival ang pakikipagtambal nito sa Movie Workers Welfare Foundation, Inc. (Mowelfund) para ibida ang industriya ng pelikula sa Pilipinas, partikular na ang mga bagong filmmaker at ang mga kwentong itinatampok ang buhay at kultura sa Pilipinas.

Itinatag noong 1974, ang Mowelfund ay isang non-stock at non-profit na organisasyon na nakapokus sa sosyal na kapakanan, edukasyon at pag-unlad ng industriya ng pelikula. Misyon nito na suportahan ang mga nagsusumikap na propesyonal sa mundo ng pelikulang Pilipino.

Ibinahagi ni Boots Anson Roa-Rodrigo, Chairman ng Mowelfund, ang kanyang pasasalamat, “Salamat, Puregold, para sa CinePanalo. Dahil sa inisyatibong ito, nagbibigay ng tulong ang Puregold sa mga direktor at sa mga gumagawa ng pelikula, sa pagtampok ng mga pelikulang nagpapakita ng mga temang pampamilya na sumisimbolo sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.”

“Win-win” ang tambalang ito, ayon pa sa premyadong personalidad sa pelikula at telebisyon.

“Panalo ang Puregold sa pagkintal ng mga halagahang Pilipino sa pamamagitan ng makapangyarihang midyum ng pelikula. Panalo ang Mowelfund sa pag-aayos ng mga logistik para sa mga baguhang direktor. Panalo ang mga estudyante ng pelikula at mga nagmamahal sa larangang ito, dahil binibigyang-buhay ng CinePanalo ang kanilang mga pangarap na proyekto,” ani Boots.

Kamakailan lamang ay inanunsyo ng Puregold CinePanalo Film Festival ang pinal na listahan ng makatatanggap ng prestihiyosong film grant – anim na direktor para sa full-length film at 25 na estudyanteng direktor para sa short film – na masusing pinili mula sa 200 na kalahok mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas.

Ipalalabas sa engrandeng debut ang mga pelikula sa Gateway Cineplex 18, Araneta City, mula Marso 15 hanggang 17.

Bakas sa mga napiling pelikula para sa festival ang temang “Mga Kwentong Panalo ng Buhay” sa mga naratibo ng pagsusumikap, pakikisama at ang matibay na diwa ng pagiging Pilipino.

Nagpasalamat din ang Mowelfund sa suporta ng Puregold sa kanilang ika-50 anibersaryo, kung saan magdaraos ang organisasyon ng medical at dental misyon. Nagbigay ang Puregold ng grocery gift bags para sa mga miyembro ng komunidad ng pelikula.

Ngayong papalapit na ang Puregold CinePanalo Film Festival, ani Puregold senior marketing manager Ivy Hayagan-Piedad, “Mula sa kaibuturan ng aming puso, pinasasalamatan namin ang Mowelfund at ang lahat ng katrabaho namin sa kanilang mahalagang gampanin hindi lamang sa pagtatanghal ng mga nakatutuwang kwentong Pilipino, kung hindi pati na rin sa pagpapatatag ng aming kontribusyon sa yumayabong na industriya ng pelikulang Pilipino.”

AUTHOR PROFILE