‘Pulis’ tiklo sa matataas na kalibre ng baril habang nasa taxi
PALAISIPAN sa mga awtoridad kung saan gagamitin ng isang 34-anyos na lalaki ang matataas na kalibre ng baril at mga bala makaraang masita habang sakay ng taxi sa Tondo, Maynila nitong Huwebes ng madaling araw.
Dahil dito isinailalim sa masusing interogasyon ng Manila Police District (MPD)-Moriones Police Station 2 kung ang suspek na binato, walang trabaho, na taga-Mithi St., Bgy. 41, Tondo ay isang “gun-for-hire” o naglilinis lamang ng mga baril.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, station commander ng MPD Stn. 2, pasado alas-3:45 ng madaling araw nang masabat ang suspek sa panulukan ng Tuazon at Mithi Sts., sa nasabing barangay sa Tondo.
Dahil sa patuloy na kampanya ng anti-criminality campaign sa direktiba ni P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco, MPD Director, nagsagawa ng pagmamanman ang mga tauhan ni Lt. Col. Lorenzo sa pangunguna ni P/Maj. Mark Chiristopher Del Mundo, block commander ng Assuncion Police Community Precinct nang mamataan ang paparating na taxi.
Dito na sinita ang suspek na lulan ng taxi at naging testigo ang taxi driver matapos makitaan ng matataas na kalibreng baril at mga bala ang kanyang pasahero.
Bumubungad pa lang ang mga awtoridad at nagpakilala na ang suspek na isa siyang pulis at may kahina-hinalang kilos, balisa ito sa loob ng sasakyan.
Narekober naman ang isang M16 Armalite; isang Glock 17 handgun na may Roni Kit; M16 Magazine; 387 na bala ng M16 rifle; isang kahong bala; isang silencer; isang speed reloader; Quad Rail; isang AR-15 combo tools; isang scope (box); at isang cleaning kit.
Nakitaan pa ng baril sa kanang kamay ang suspek habang pinoproseso ang taxi at armas kaya sinunggaban ito upang makuha ang baril.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) na inasiste ni P/SSg. Jim Paulo Regala, may hawak ng kaso.