TVJ

Produ ng ‘Eat Bulaga’, mahigit tig-P30M ang utang kina Vic at Joey — Tito Sen

April 26, 2023 Ian F. Fariñas 568 views

MARAMING nabuksang “can of worms” ang tell-all interview ni dating Senate President Tito Sotto sa Updated with Nelson Canlas nitong Martes. Isa na rito ang pagkakaroon diumano ng malaking utang ng Eat Bulaga producer na TAPE, Inc. kina Vic Sotto at Joey de Leon na aabot sa tumataginting na P60 million.

Kinontra ni Tito Sen ang ilang major points sa interview ni TAPE, Inc. CFO at Dapitan Mayor Bullet Jalosjos sa Fast Talk with Boy Abunda ni Boy Abunda kamakailan.

Kabilang sa tinawag niyang “inaccuracies” ang statement na walang utang ang production company ng pamilya ni dating Cong. Romeo Jalosjos kina Vic at Joey.

“That’s completely false. Ang laki ng utang kay Vic at kay Joey. Mahigit tig-ti-30 million pesos ang utang sa kanila. For 2022 alone.”

Wala raw siyang ideya kung saan ito dinala.

Ipinagtaka rin nila ang balitang nalulugi ang TAPE, Inc. dahil taliwas umano ito sa mga dokumento na nasa SEC (Securities and Exchange Commission).

Ayon kay Tito Sen, hindi tamang sabihin na nalulugi ang Eat Bulaga. Baka ang TAPE, Inc. daw ang lugi.

Ganunpaman, kinuwestiyon din niya ito dahil base umano sa SEC documents, ang net profit ng TAPE, Inc. noong 2021 ay nasa P213M.

Nu’ng sumunod na taon, election year 2022, mas malaki raw dapat ang kinita nito dahil sa political ads na pumasok sa show at pagluluwag ng Covid-19 restrictions.

“But then again, we were informed that a little over P400M of political ads that were placed in Eat Bulaga vanished,” sabi ng dating senador.

Nang tanungin kung saan napunta, ang agarang sagot ni Tito Sen ay, “I think you better ask tape. Hayaan mo sila sumagot nu’n, ‘di ba?”

Sa totoo lang daw, may blessing nina Vic at Joey ang pagpapa-interbyu niya. Hindi raw niya sinasabi na walang low points ang programa pero “we always managed to carry on.”

“I am disappointed at the very least,” diin pa ni Tito Sen. “I am disappointed at what’s happening.”

Pinatotohanan niya ang tsikang nagkaroon sila ng general assembly. Pinagre-resign/retire raw ni Romy ang lahat ng empleyado kasama na ang head writer na si Jenny Ferre at direktor na si Poochie Rivera.

Sa palagay ni Tito Sen, pinag-retire rin at ‘di kusang loob na umalis ang presidente/CEO nitong si Tony Tuviera, mas kilala bilang “Mr. T.”
Plinano rin daw tanggalin ang ilang portions ng show at bawasan ang pasweldo by 10 percent.

“Why fix it if it ain’t broke?” tanong ng former senator.

Ang ipinagtataka pa nila, after 43 years, going 44 sa July, biglang nagkaroon ng kontrobersiya at nabulabog ang Eat Bulaga nang ganito.

Ayon sa kanya, maayos ang takbo nito until the Jalosjos takeover noong January 2023.

Pinili raw nilang manahimik dahil ayaw nilang masangkot ang longest-running noontime show sa napakalaking kontrobersiya.

“We were trying to avoid any controversy, we were trying to avoid the media. Para ‘di na lumaki. Saka baka may mga mabuklat na mga sweeping under the rug ng kung sino. We were trying to avoid that,” paliwanag ng TV host-politiko.

Nagkaayos din naman daw ang magkabilang panig na i-maintain ang “status quo” and to “let sleeping dogs lie” maliban nga lang sa pagreretiro ni Mr. T.

Kaso, biglang nagpa-interview si Mayor Bullet. Kabaligtaran daw ito sa usapan nila ni Jun Jalosjos, ang pumalit kay Mr. T., na iki-clear muna sa lahat bago mag-release ng kung anuman sa publiko.

Kaya panahon na, aniya, para magsalita siya/sila.

“I think so because if those controversial statements given were not aired, then we need not answer or we need not retort. Pero because of what happened, well, I think it’s the perfect time to be able to say what’s on our mind and perhaps give the public a background of really what was Eat Bulaga and how it transformed and how it is now,” giit niya.

Kung may problema man sa funding, problema na raw ng TAPE ‘yon at hindi ng Eat Bulaga.

Mariin din niyang sinabi na “Eat Bulaga is Tito, Vic and Joey and Tony Tuviera.”

Silang apat daw ang nag-conceptualize nito noong 1979 para sa Production Specialists, Incorporated na pag-aari ni Romy.

Si Joey ang nakaisip ng title at si Vic naman ang nag-compose ng theme song.

Aniya pa, “blood, sweat and tears” ang ipinuhunan nila rito dahil mahigit isang taon silang ‘di sumuweldo nang magsara ang PSI noong 1980  dahil nabaon sa utang.

“Pwede na kaming umayaw, eh. Si Chiqui Hollman (original co-host), umayaw,” kwento ni Tito Sen.

Pero hindi. Itinuloy nila ito hanggang sa maitayo ang TAPE, Inc. noong July 7, 1981.

May pagkakataon pa nga raw na nangungutang si Mr. T kay Vic dahil malaki naman ang kinikita nito sa dating sitcom na Iskul Bukol.

Kaya “improper” para kay Tito Sen ang sinabi ni Mayor Bullet na “retained” sila bilang hosts.

Himutok niya, “Masagwang pakinggan sa amin ‘yung ‘mare-retain’ kami. Para bang pwede kaming sipain? Eh, kami nga ang Eat Bulaga, eh, ‘di ba? ‘Yung mga ganu’ng salita… my unsolicited advise to them is mag-iingat naman kayo sa mga bitaw ng salita dahil nakakasakit ‘yung salita ninyo. Kami, pigil na pigil kami, ang tagal na namin hindi… gusto naming ilabas lahat ‘yan pero pinipigil namin, pagkatapos biglang babanatan n’yo kami ng ganyan, ano? There’s so many ways of skinning the cat so you know, the answer to your question (kung aalis ba siya?), bottomline, let’s see.”

Sa tanong kung sino ba talaga ang nagmamay-ari ng Eat Bulaga, ang sabi ng former senator, “If it’s a copyright issue, definitely, it’s owned by Joey de Leon and the three of us. Kami, siya ang nag-imbento ng pangalan, eh. That’s uncontestable. Copyrighted or not. May mga copyright sila ng merchandising, eh. Meron din kaming naka-file, eh. Pero immaterial ‘yon. Ask the lawyers. There’s no such thing as ikaw ang may pag-aari ngayon pero itong… ang nag-imbento at saka may-ari, sila? Hindi pupuwede ‘yon. If you’re talking of Eat Bulaga, it’s owned by Joey de Leon and Tito, Vic and Joey. ‘Yun ang ano ru’n. Now if you’re asking about TAPE, TAPE is owned by them. The corporation nila na, I think, 75 percent Jalosjos family, 25 percent kay Tony. I don’t know what they plan to do with that 25 percent.”

Hindi rin siya um-agree sa salitang “rebonding” ni Mayor Bullet imbes na “rebranding.”

“I don’t know what he means by ‘rebonding’ dahil ire-rebond mo… what are you ‘rebonding’? Samahan? We were there for 43 almost 44 years, wala naman kaming nakita sa kanila, eh. They never participated, so what is there to rebond?” tanong niya.

AUTHOR PROFILE