Prayoridad ni BBM
AMINADO si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na hirap ang kinakaharap ng mga manggagawang Pilipino pagkatapos ng dalawang taong pandemya.
Dahil kabubukas pa lamang ang nalugmok nating ekonomiya, kagaya ng maraming bansa sa buong mundo, maraming challenges ang nagpapahirap ngayon sa taumbayan.
Ito ay kinabibilangan ng kawalan ng trabaho, pagtaas sa presyo ng maraming bilihin, lalo na ang pagkain, at kawalan ng access sa mga benepisyo ng gobyerno.
Sa kanyang “Labor Day” message bago tumulak papuntang Estados Unidos noong Linggo ay pinayuhan ni Marcos ang mga manggagawa na huwag mawalan ng pag-asa.
Lalo na’t prayoridad ng kanyang administrasyon, na magtatapos pa sa katanghaliang tapat ng Hunyo 30, 2028, ang pagtulong sa mga manggagawang Pilipino.
Pero habang binibigyang-prayoridad ng kanyang gobyerno ang pagtulong sa mga miyembro ng labor force, marapat lamang na suportahan ng publiko ang kanyang mga programa.
Naniniwala tayo, kasama ang iba pang mamamayan, na talagang mahihirapan ang mga otoridad na paangatin ang “living conditions” ng mga tao kung hindi ito suportado ng publiko.
Marahil, tama lang na tulungan natin ang gobyerno sa paglutas sa mga problemang nagpapahirap sa ating mga kababayan, lalo na ang mga walang trabaho at underemployed.
Huwag ding hayaang lagi na lang ginagawang gatasan ng mga tiwali at korap na lingkod-bayan ang gobyerno.
Obligasyon nating lahat, kasama ang mga ordinaryong Pilipino sa buong bansa, na iparating sa mga kinaukulan ang mga nakikita nating kawalang-hiyaang nangyayari sa bureaucracy.
Ito ay kung gusto nating magtagumpay ang administrasyon ni Pangulong Marcos sa kanyang misyon na i-eradicate na ang kahirapan, kawalan ng trabaho at kagutoman sa Pilipinas.