BBM

Pinoy sa oras ng pangangailangan

December 21, 2021 People's Tonight 907 views

TulfoMINSAN hindi nakakatuwa na maging isang Pinoy dahil sa maraming hindi magandang nangyayari sa ating bayan araw-araw.

Nariyan ang korapsyon, mga rebelde at terorista, mataas na bilang ng krimen, maruming pulitika, kawalan ng trabaho, mabagal na pag-unlad, at marami pang ibang problema.

Minsan mapapaisip ka na mas masarap sigurong mabuhay o manirahan na lang sa ibang bansa.

Ngunit may isang pagkakataon naman na masarap isipin o lasapin ang pagiging Pilipino natin.

Ito yung pagkakataon na kapag tumama ang delubyo tulad ng bagyo, lindol, o pagputok ng mga bulkan sa ating bansa, nagkakaisa ang lahat at nagkukumahog na tulungan ang kapwa na biktima ng kalamidad.

Nawawala ang kulay ng pulitika o antas ng lipunan dahil lahat nagsasama-sama sa iisang layunin…ang tumulong sa kapwa Pilipino sa oras ng pangangailangan.

Ang pagturing sa mga kababayan na biktima ng kalamidad na para bang kapatid o kamag-anak.

Ang nangyayaring bayanihan ngayon ng lahat para tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Odette sa Mindanao at Bisayas ay isang ugali o karakter ng Pinoy na nagpapakita ng ating pagiging maawain at pagmamahal sa kapwa.

Nawawala ang mga personal na interes sa halip ito ay napapalitan ng pinagbuklod na layunin na tumulong.

Maging ang mga walang kakayahan sa buhay o ang mga mahihirap na kababayan o ang mga kabataan ay nakakapag-donate din sa pamamagitan ng paglaan ng oras sa pag-volunteer sa pagrepack ng mga relief goods sa iba’t-ibang relief operation centers.

Hindi na kailangan pa ng ating pamahalaan na manawagan ng tulong sa publiko dahil may kusang loob tayo na tumulong sa kapwa.

Ito naman ang isang kaugalian nating mga Pinoy na wala sa ibang lahi, ang kusang tumulong dala ng pagiging maawain natin sa ating kapwa na kailangan ng tulong.

Tuwing may kalamidad sa ating bayan, lumalabas ang bayanihan o ang ating ugali na sama-samang tumulong anuman ang ating antas sa lipunan, relihiyon, probinsya, at “political color” dahil pansamantala nating isinasantabi lahat ng ito para sa kapwa.

At ang kaugaliang ito ay dala-dala nating mga Pinoy saan man tayo naroroon na lumalabas kapag may nangangailangan ng tulong lalo na kapag kapwa pinoy.

Mabuhay ang lahing Pilipino!!!. Ni Erwin Tulfo

AUTHOR PROFILE