Garcia

Philippine National Nuclear Energy Safety Act tinatalakay sa Kongreso

September 2, 2023 Christian D. Supnad 238 views

Patuloy ang pagdinig ng Kongreso sa Philippine National Nuclear Energy Safety Act, ayon kay Congresswoman Gila S. Garcia ng Bataan 3rd district.

Ayon sa congresswoman, nagkaroon ng joint hearing ang Special Committee on Nuclear Energy at Committee on Energy ang Kongreso kung saan nagpatuloy ang pagdinig ukol sa House Bill No. 8218 o Philippine National Nuclear Energy Safety Act.

Sinabi ni Cong. Garcia na tinalakay sa nasabing pagdinig ang pag amyenda kaugnay sa singil sa lahat ng mga komersyal at industriyal na mga konsyumer ng kuryente upang makapangalap ng pondo para sa Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilAtom).

“Atin pong ipinahayag ang ating mga agam-agam at ilang katanungan ukol sa nabanggit na amyenda upang siguruhin ang kapakanan at seguridad ng ating mga kababayan.

Atin din pong binigyang-diin ang kahalagahan na mabigyan din ng pagkakataong mapakinggan ang iba pang amyenda sa nasabing panukala,” ani Garcia, dating mayor ng Dinalupihan, Bataan.

“Makaaasa po kayo na patuloy nating isusulong ang karapatan ng mga mamamayan sa isang ligtas at abot-kayang pagkukunan ng enerhiya,” dagdag pa ni Garcia.