
Paulo, ipaglalaban si Janine
Magkasamang haharapin nina Andrei at Camille (Paulo Avelino at Janine Gutierrez) ang mga bagong pagsubok sa kanilang pag-iibigan at pamilya sa pagbubukas ng ikalawang season ng Marry Me, Marry You sa Nobyembre 15 sa bago nitong timeslot na 8:40 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z at TV5.
Patuloy na magpapasaya, magpapaiyak at kapupulutan ng aral ang bagong season, kung saan aalukin na ni Andrei si Camille ng kasal sa kabila ng mga hidwaan ng kani-kanilang mga pamilya.
Pero mahaba-haba pa ang tatahakin ng dalawa bago ang “forever” nila. Magiging hadlang sa kanilang relasyon si Cedric (Jake Ejercito), na magpapatuloy ang pagtatraydor sa best friend niyang si Andrei para tuluyang maagaw si Camille.
Unti-unti namang mapapalapit si Andrei sa kanyang inang si Elvie (Cherry Pie Picache) dahil susubukan niyang makipag-ayos dito sa kabila ng kanyang matinding galit.
Hindi rin magiging madali para kay Andrei na patawarin si Elvie dahil patuloy na sisiraan ni Emilio (Edu Manzano), ang ama ni Andrei, ang relasyon ng mag-ina. Pati ang stepmom ni Andrei na si Laviña (Teresa Loyzaga) ay gagawin ang lahat para maputol ang ugnayan nina Andrei at Elvie, at paghihiwalay din niya sina Andrei at Camille.
Masusubok din ang pagsasama ng pamilya ni Camille dahil aaminin ng kapatid niyang si Kelvin (Adrian Lindayag) na bakla siya. Samantala, manganganib ang masayang lovelife ni Paula (Sunshine Dizon) dahil magkakagusto din ang anak niyang si Koleene (Analain Salvador) sa mas bata niyang manliligaw na si Luke (Fino Herrera).
Magiging one big happy family pa kaya sila?
Bago naman ang simula ng bagong yugto, mababalikan ng fans ang kilig at memorable moments mula sa unang season sa Marry Me, Marry You: Season 1 Spotlight bukas, Nobyembre 14, 5 p.m., sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.
Malapit na ring mapanood ng fans ang music video ng theme song ng Marry Me, Marry You na kinanta ni Darren Espanto.
Ang Marry Me, Marry You, na nakasama sa listahan ng mga pinakapinapanood na TV programs sa multicultural Asian homes sa U.S. noong Setyembre, ay kasalukuyang napapanood gabi-gabi, 9:25.
Magsisimula ang ikalawang season nito sa Nobyembre 15 sa mas maagang timeslot na 8:40 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5 at Kapamilya Online Live.