Paslit

Paslit patay, 4 na kapatid na-ospital dahil sa palaka

May 12, 2023 Zaida I. Delos Reyes 413 views

PATAY ang isang 5-anyos na batang lalaki habang nakaratay naman sa pagamutan ang apat nitong kapatid matapos na malason sa kinaing inihaw na palaka sa Dipolog City.

Ang biktimang itinago sa pangalang Elwid ay anak ng mag-asawang sina Tito at Flordelisa Galleposo, residente ng Purok Pina, Bgy. Dicanas, Dipolog City.

Sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, kapwa walang trabaho ang magulang ng mga bata.

Sa inisyal na ulat, kumain ang mga bata ng inihaw na palaka at nilagang kamote upang maibsan ang kanilang gutom.
Gayunman, matapos kumain ay nakaranas na ang mga bata ng pagsusuka, pagkahilo at pagtatae dahilan upang isugod ang mga ito sa pagamutan.

Hindi na nailigtas ang buhay ni Elwid habang nakaratay parin ang apat na kapatid nito sa pagamutan.

Tiniyak naman ni Dipolog Mayor Darel Uy na tutulungan ng lokal na pamahalaan ang apat na magkakapatid upang gumaling.