Default Thumbnail

Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano tunay na public servant

March 15, 2023 Edd Reyes 299 views

Edd ReyesPUBLIC servants ang taguri sa mga halal at itinalagang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na hindi lamang ang paglilingkod sa gobyerno ang tungkulin kundi higit sa lahat, sa taumbayan.

Kaya naman hindi na nakapagtataka kung maglatag ng mga programa at proyekto ang mga halal na opisyal, lalu na ang mga alkalde, na makakatulong sa mamamayan.

Siyempre, kapag sinabing mamamayan, maramihang paglilingkod at pagtulong ang kanilang programa at bihira lang sa kanila ang personal na nagkakaloob ng tulong sa isang nangangailangan, lalu na kung hindi naman lumalapit ang mga ito sa kanila.

Sa totoo lang kasi, mahirap lumapit para humingi ng tulong ang isang nangangailangan sa sinumang halal na opisyal, lalu na sa mga alkalde, dahil yung kumuha ka nga lang ng appointment para sila makausap, dadaan ka na sa butas ng karayom at halos isang porsiyento lang ang aasahan mong tsansa para personal silang makaharap.

Kaya nga ng biglang dumalaw si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa isang miyembro ng media na nakaratay sa Pasay City General Hospital noong nakaraang linggo, marami ang humanga at nagpasalamat sa alkalde dahil hindi niya ipinabatid ang gagawing pagtulong.

Isinugod kasi sa naturang pagamutan si Al Padilla, isang photo journalist at opisyal ng Southern Metro Manila Press Club, matapos ma-stroke at bunga ng malaking gastusin na kinakailangan upang makaligtas sa tiyak na kamatayan, nag-post ang kanyang asawa sa social media para sa mabilisang pagbebenta sa motorsiklo ng mister sa mababang halaga.

Pero hindi na itinuloy ang pagbebenta sa motorsiklo dahil personal na dumalaw kay Al si Mayor Emi Rubiano nang mabalitaan ang nangyari sa photojournalist at sinagot ang lahat ng gastusin, pati na ang kinakailangang gamot ng mamamahayag.

Eto pa, wala man lamang nakaalam sa sinumang miyembro ng media ang ginawang pagdalaw at pagtulong ng alkalde at nalaman lamang ito ng mga miyembro ng media nang iurong na ng misis ni Al ang pagbebenta ng motorsiklo dahil sinagot na ni Mayor Emi ang lahat ng kanilang gastusin.

Nakalabas na at nagpapalakas sa kanilang tahanan ngayon ang mamamahayag habang umani naman ng papuri sa mga Pasayenos at mga mamamahayag ang tila lihim na pagpapamalas na pagmamalasakit ng alkalde ng walang media mileage. Ganyan ang tunay na public servant. Mabuhay Ka Mayor Emi!

Faculty members at estudyante ng Adamson, nakakaranas ng pambu-bully

HINDI lang pala mga estudyante ng Adamson University ang nakaranas ng pambu-bully mula nang mapaulat ang malagim na pagkamatay sa hazing ng isa nilang estudyanteng si John Mathew Salilig kundi maging ang mga faculty members ng naturang unibersidad.

May mga pangyayari pala na kapag may estudyante o professor na nakasuot ng uniporme ng naturang pamantasan at napadaan sa isang grupo ng kalalakihan o kababaihan, kinukutya, pinariringgan o sa madaling salita, binubully sila na tila ba sila ang may kasalanan sa nangyaring pagkamatay ni Salilig.

Dahil dito, nagpasiya ang pamunuan ng unibersidad na payagan muna ang mga faculty members at mga estudyante na magsuot ng civilian clothes, bagama’t may ipinairal na panuntunan na pantalon ang isuot pang-ibaba ng kababaihan at kung magpa-palda, dapat ay lagpas ng tuhod ang haba.

Umaasa ang pamunuan ng unibersidad na makakatulong ang pagbibigay pahintulot na huwag munang magsuot ng uniporme ang kanilang faculty members at estudyante upang hindi makaranas ng pambu-bully.

Aba’y huwag naman sanang gawin yan ng may makitid na isip sa mga professors at estudyante ng Adamson na kabilang sa kumokondena sa nangyaring pagkasawi ni Salilig dahil parang hinusgahan ninyo si Juan sa ginawa ni Pedro.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE