Alinsug

Pasahero Party List: Motorcycle only checkpoints di makatarungan sa riders

December 16, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 666 views

HINDI makatarungan para sa motorcycle riders na maging sentro ng police checkpoints saan man panig ng bansa dahil nagpapakita ito ng matinding diskriminasyon.

Ito ang malungkot na pahayag ni Atty. Homer Alinsug, tagapagsalita ng PASAHERO Partylist, na nagsabing nakasanayan na sa police checkpoints na i-single out ang motorcycle riders, lalo na nung kasagsagan ng lockdowns.

Aniya, ipinagtataka nila kung bakit nakasentro ang checkpoints sa mga motorsiklo at kadalasang ito na lamang ang inaabatan ng checkpoint cops.

Pagdidiin ni Alinsug, ang iba’t ibang krimen ay hindi naman kagagawan lamang ng mga naka-motorsiklo kaya’t nais umano niyang maliwanagan sa sistemang ito ng pulisya.

Ani Alinsug, kaliwa’t kanang reklamo na ng motorcycle riders ang natatanggap ng kanilang tanggapan at lahat ay pawang patungkol sa di makatarungang checkpoints.

“Itong mga auto, mga kotse at iba pang four-wheel vehicles, visual search lang, walang sapilitang kapaan ng katawan. Pero itong mga motorcyclists, kailangang sumailalim sa matinding physical search, kailangang buksan at alisin ang laman ng kanilang U-box bago hingin ang mga kaukulang dokumento. Parang malinaw na diskriminasyon ito sa mga riders natin. Maituturing na itong profiling,” saad ni Alinsug.

Aniya pa, ikinokonsidera niyang diskriminasyon ang sistemang ito sa checkpoints dahil hindi na binibigyan ng kalayaang legal ang isang tao, tulad ng ibinibigay na kalayaan sa ibang mga motorista. “Kumbaga, unjustified distinction ito. Iba ang pagtrato sa kanila kumpara sa ibang motorists,” dagdag pa ni Alinsug.

Sakaling mahalal sa Kongreso sa Mayo 2022, isa sa mga prayoridad ng PASAHERO ay pagsusulong sa batas na tutuldok sa motorcycle-only checkpoints.

“Kapag ang partylist ay makapasok sa Kongreso, igigiit natin ang panukalang ‘yan at sa sandaling pumasa, napakalaking bagay ito para sa patas na pagtrato sa ating motorcyclists sa checkpoints. Sigurado, wala nang diskriminasyon at wala na yung sistemang sila ang target ng police checkpoints.”

Ang PASAHERO o ang Passengers and Riders Organization, Inc ay isang partylist group na idineklarang lehitimong partido ng Commission on Elections (Comelec) at maaaring tumakbo sa general elections sa Mayo 2022.

AUTHOR PROFILE