Pulis

Parak, ex-parak, 4 pa tiklo sa kahina-hinalang gawain

April 2, 2024 Melnie Ragasa-limena 129 views

ARESTADO ang isang pulis, dating pulis at apat na iba pa ng maghasik ng tensiyon sa Brgy. Pagibig sa Nayon, Quezon City noong Lunes.

Kinilala ang mga nadakip na sina Patrolman Edmir Burton Paliota, 30, nakatalaga sa Lingayen, Pangasinan Provincial Police Office (PPO); Dylan Lola Verdan, 44, dating pulis; Errol James Villa, 29, helper; Raymond Palabay Apostol, 38, driver; Mark Alfaro Pueyo, 45, at Romie Bulandos Soliman, 28-anyos.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-12:20 ng madaling araw ng mamataan ang mga suspek na kahina-hinala ang ginagawa sa naturang lugar.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Angel T Pascasio III, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga residente hinggil sa mga kahina-hinalang motor at sasakyang gumagala sa kanilang barangay.

Agad na nagresponde ang mga pulis at naabutan pa ang mga suspek na sakay ng Toyota Vios at Yamaha Mio-I kaya nilapitan nila ito.

Sa inspeksiyon, nakita ng mga awtoridad ang 9mm na baril ni Apostol na sakay ng motorsiklo at sinubukan pang tumakas habang ang pumagitna naman ang mga nakasakay sa Toyota Vios at tinangka pang itulak ang mga pulis na aaresto sa kanila.

Gayunman, matapos ang komosyon ay nadakma pa rin ang mga nasabing suspek.

Narekober mula sa mga suspek ang 9mm caliber pistol, magazine na may walong bala, Toyota Vios (NGT 7223) at Yamaha Mio-i125 na walang plaka.