
Paglantad ng diumano’y anak ni Francis M, hot topic sa socmed at showbiz industry
Pinag-uusapan ngayon sa social media at sa showbiz industry ang paglantad ni Abegail Rait at ng kanyang 15-year-old daughter na si Chesks na diumano’y anak nila ng yumaong Master Rapper na si Francis Magalona.
Sa video na inilabas ni Boss Toyo sa kanyang vlog, makikitang ibinebenta ni Abegail ang blue jersey ni Francis noong nabubuhay pa ito.
Aniya, ibinigay ito sa kanya ng yumaong master rapper.
Ang nasabing jersey ay may kasamang letter ni Francis M. kay Abegail na nagsasaad ng “I love you so much” at larawan nilang magkasama na kuha umano noong 2007.
Nagsimulang magtanong si Boss Toyo kung saan sila nagkakilala ni Francis at dito na nga nagkwento si Abegail ng kanilang “untold love story.”
Sa kwento ni Abegail, nagkakilala sila ni Francis nang manood siya noon sa studio ng “Eat Bulaga” kung saan isa sa hosts ang rapper.
Nakita raw siya ni Francis at gumawa ng way para makuha ang kanyang contact number.
Hanggang sa nagkaroon na nga sila ng relasyon at nabuntis siya.
Matatandaang pumanaw si Francis noong March 6, 2009 dahil sa acute myeloid leukemia.
Ang pagbibigay sa kanya ng jersey ni Francis that time ay parang premonition dahil may nararamdaman na raw ang rapper noon.
That time ay buntis daw siya sa kanilang anak.
Sinabihan umano siya ni Francis na itago lang ang jersey or isuot kapag nami-miss siya.
Sa isang bahagi ng video ay naging emosyonal si Abegail habang isinalaysay ang pinagdaanan.
“For 15 years, nanahimik ako. I didn’t say anything about me and my daughter. Siguro naman, ito na lang ‘yung karapatan na pwede kong magawa para sa kanya. Kasi, hindi naman ako nagsalita, eh.
“I know people will judge me. But we exist. What we had is real. Me and my daughter exist. Mahal niya kami and that’s a fact,” pahayag ni Abegail.
Samantala, bukas ang People’s Tonight para sa panig ng asawa ni Francis M. na si Pia Magalona at ng kanyang mga anak hinggil sa bagay na ito.