
Pagkabalewala sa diploma ng kolehiyo
“Hindi ibig sabihin na dahil wala akong “college degree” ay hindi ako matalino!” ~ Emma Stone
KARANGALAN ng magulang na mapagtapos ang anak sa kolehiyo at maisabit sa dingding ang diploma ng anak na pinuhunanan ng pera, pawis at pagpupunyagi. Inaakala na ang diploma ang pasaporte ng anak upang makahanap ng hanapbuhay na magpapalaya sa pamilya mula sa kahirapan. Ang paniniwalang ito ay wasak sa bagong datos ng PSA na nagsasabing hindi nakakatiyak na magkakatrabaho ang nagtapos ng kolehiyo. Ang mahinang uri ng edukasyon ng bansa ang sanhi ng pagkabalewala sa diploma ng kolehiyo.
Batay sa December 2024 Labor Force Survey (LFS) ng PH Statistics Authority, ang pinakamalaking bahagi ng mga walang trabaho ang mga nagtapos sa kolehiyo at nakakagulat na nilampasan nila ang bilang ng mga nagtapos lang ng high school na walang trabaho na inulat sa 2020 LFS. Noong 2020, 36.9% ng mga walang trabaho ang umabot sa kolehiyo, at 26.9% sa kanila ay nakatapos ng kolehiyo. Ang mga bilang na ito ay lumaki sa 44.1% at 35.6% sa 2024 LFSat 6% ng mga walang trabaho ang may teknikal-bokasyonal na edukasyon.
Sinusulong ng Malaking Kapulungan na amyendahan ang RA 10533(K to 12 Law) upang itampok ang tekbok opsyon ng mga bata na magtapos na lang ng junior high school, mag-aral ng kurso sa tek-bok,ipasa angsertipikasyon ng kasanayan ng TESDA , at nang mas siguradong magkatrabaho. Para sa mga kongresista, walang saysay na magkolehiyo kung hindi rin magkakatrabaho ang bata. Ang pagbabawas ng dalawang taon sa “basic education cycle” ay hindi rekomendasyon ng EDCOM II na naglantad ng masamang tayô ng sistema ng edukasyon ng bansa.
Ang hakbang na ito ng mga kongresistaay mahina ang paningin sa malayo. Una, walang bansa sa mundo ang may 10 taon “basic education cycle”, kahit pa pang tek bok ang bata. Ikalawa, mali ang paniniwalang misyonng 12 taon “basic education cycle” angmakapagpatapos ng mga batang kaya nangmagtrabaho, bagkus, ang tunay na misyon ng mababa at mataas na paaralan ay makapagpatapos ng mga botante na mapanuringmag-isip upang makabuluhang makalahok sademokrasya. At ikatlo, papalayo ang kilos na ito sa ating mithiin na makaalis ang bansa sa kasalukuyang “consumer economy” patungo sa isang “export economy” na nagluluwas ng mga produkto, hindi ng mamamayan (mga OFW).
Sa aking pakiwari, ilan sa mga dahilan bakit humina ang bisà ng diploma ng kolehiyo sa pagkuha ng trabaho ay ang mga sumusunod: a. ang bata ay lumaking kabisote, budolin, at salat sa “21st Century 4C skills” (collaboration, communication, critical thinking, creativity) sapagkat ang kurikulum ng DepEd ay walang puwang para masanay sa pagsisiyasat at pagmamatuwid na pinapanday ng magagaling na guro sa bata sa elementarya at high school;b. nabawasan ang pangangailangan ng merkado ng mga gradweyt sa kurso na nilamon ng Artificial Intelligence ; c. ang kolehiyong pinagtapusan ay “diploma mill”;d. hindi marunong sumagot ang bata sa interbyu ng kompanya; e. dahil galing sa mahirap na pamilya, ang bata ay walang padrino na bubulong para matanggap siya sa trabaho.
Kailangan natin ang mga tubero, elektrisiyan, karpintero, welder, modista, sastre, matansero, kusinero, mekaniko, pintor, atbp. upang tumakbo ng maayos ang ating daigdig. Subalit silang lahat ay nangangailangan din ng kasanayan sa pagsisiyasat at pagmamatwid upang lalong mapahusay ang antas ng kanilang serbisyong inaalok sa madla, at mapanuri sa kwalipikasyon at pinanggagalingan ng ginagastos ng mga kandidatong nanghihingi ng boto sa halalan.
Maraming tao na hindi nakapagtapos ng kolehiyo ay may likas na sentido kumon at lohikal na pag-iisip, at nahihigitan pa ang nagtapos ng kolehiyo na hindi dapat mangyari kung mahusay ang sistema ng edukasyon ng bansa. Kolehiyo man o tekbok ang landas ng edukasyon na tatahakin,kailangan ng bata ang isang 12 taon “basic education cycle” na nagbibigay ng kasanayan sa pagsisiyasat at pagmamatuwid upang hindi mabalewala ang kanyang diploma.