Default Thumbnail

Pagbabawas sa workload ng mga guro

October 25, 2022 Paul M. Gutierrez 992 views

PaulIPINANUKALA ni Senator Win Gatchalian ang pagbabawas ng mga workload ng mga teacher sa mga pampublikong paaralan upang higit umanong mailaan ng mga ito ang kanilang oras sa pagtuturo.

Gagawin ito sa pamamagitan ng digitalization at dagdag na non-teaching personnel sa mga paaralan habang wala pa ang ilalabas na “workload balancing tool” ng Department of Education (DepEd).

Nauna nang sinabi ni Sen. Gatchalian sa DepEd na sundin ang sinasabi ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na magsagawa ng mga pag-aaral hinggil sa workload ng mga guro dahil sa imbes na magpokus ang mga ito sa paghahanda para sa klase at pagtuturo ay mas nauubos pa ang oras at enerhiya ng mga ito sa mga trabahong hindi na dapat na sila pa ang gumagawa.

Kailangan talagang aralin din kung ang mga ginagawang workload at paperworks ng mga guro na sadyang may impluwensiya sa kalidad ng kanilang pagtuturo. O baka naman ang mga ginagawa nila ay paulit-ulit lamang na mga proseso sa pagmomonitor ng kanilang mga trabaho.

Dahil ano pa nga ba ang imomonitor na trabaho sa kanila gayong alam naman ng lahat kung gaano ka-overworked ang mga public school teacher natin. Maliban sa talagang kulang ang mga non-teaching personnel ay kulang din ang mga guro.

Aminin na natin na marami pa ring mga kulang sa sektor ng edukasyon kung nais talaga natin itong mapaunlad. Kailangan ng karagdagang pondo para sa sektor ng edukasyon.

Kaya maaaring hindi nagbibiro si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na kailangan niya ng P100 bilyon sa anim na taon niyang termino upang masolusyunan ang problema ng sektor ng edukasyon.

Ito ay dahil malaki din naman talaga ang problema sa edukasyon natin. Marami talaga ang kulang. Kulang ang mga eskwelahan, kulang ang mga silid-aralan, kulang ang mga upuan, kulang ang mga libro, kulang ang mga laboratoryo, kulang ang mga guro, kulang ng mga kawani at marami pang may kaugnayan sa paghahatid ng kalidad na edukasyon.

Dahil habang kulang-kulang ang mga guro at kawani sa mga paaralan, tulad ng babala ng PIDS, ay apektado talaga ang kalidad at paghahatid ng edukasyon sa mga mag-aaral dahil kailangang gampanan ng mga guro ang administrative at student support roles.

Maliban pa dito, ang mga guro din ang kinakaladlad sa mga programa at aktibidad ng pamahalaan gaya ng pagbabakuna, brigade-eskwela at halalan.

Bagamat maganda ang iminumungkahi ni Sen. Gatchalian na Digital Transformation in Basic Education Act o Senate Bill 383 na layunin umanong mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo sa edukasyon, kailangang linawin kung sa mga guro din ba maipapasa ang mga gawing may kaugnayan dito?

Dahil baka naman pinaganda lamang ang pangalan at ginawang hi-tech pero walang nabawas sa mga trabahong ginagawa ng mga guro.

Ang masaklap pa dito, sobra na nga sila sa trabaho, ay tulad ng kanilang karaingan, mababa ang kanilang mga sahod.

Nakapagpanukala na ba si Sen. Gatchalian ng dagdag-sahod para sa mga guro natin? Kung mayroon ito sana ang unahin dahil ito ang higit na kailangan. At kung wala pa ay anumang nais natin na mabawasan ang kanilang trabaho ay hindi pa rin gaganahan ang mga ito dahil wala pa rin silang umento lalo na sa panahong nagsisitaasan ang mga bilihin at gastusin.

Totoong problema ng mga guro ang mga workload na walang direktang kinalaman sa kanilang pagtuturo. Naniniwala tayo na mabuti ang intensiyon ni Sen. Gatchalian para matanggal ito sa mga guro at mas makapagpokus sa pagtuturo.

Pero alam natin na may mas malalim na dahilan kung bakit sa guro ipinapasan ang mga gawaing wala naman silang kinalaman. Dahil ito siyempre sa kakulangan ng budget na nakalaan sa edukasyon.

Kung may sapat na pondong nakalaan para sa mga non-teaching personnel at dagdag na guro, hindi magkakaroon ng problema sa sobra-sobrang workload ng mga guro.

AUTHOR PROFILE