Default Thumbnail

P48.6M na shabu, nasakote sa NAIA

July 2, 2023 Vic Reyes 327 views

Vic ReyesSA kabila ng puspusang kampanya ng gobyerno laban sa mga ipinagbabawal na gamot, kagaya nang shabu at ecstacy, ay patuloy pa rin ang problemang ito.

Kaya nga, lalo pang pinag-iigihan ng mga kinauukulang opisina at ahensya ang mga ginagawang hakbang para lang mapigilan ang pagpasok sa ating Pilipinas ng mga illegal drug.

Dahil sa pagkasara ng mga shabu laboratory sa bansa, halos lahat na ng mga ipinagbabawal na gamot ay nanggagaling na sa labas ng bansa, ayon sa mga report.

Mabuti na lang at hindi natutulog sa pansitan ang mga taga-Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement agencies.

Nasasakote nila ang bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu, kush marijuana, cocaine, ecstacy na ipinapasok sa Pilipinas.

Kagaya na lang noong isang linggo nang maaresto ng mga taga-BOC Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng Canadian drug courier.

Galing ng bansang Mexico, ang Canadian courier ay dumating sa NAIA Terminal 1 noong Hunyo 29 sakay ng Japan AirLines Flight No. 741 mula Narita, Japan.

Ang check-in luggage ng courier ay may laman pa lang shabu na nagkakahalaga ng P48.6 milyon.

Ang bagahe ng suspek ay idinaan sa “rigorous screening,” gamit ang x-ray scanning, K9 snipping at physical examination, na nagresulta sa pagkakatuklas ng 7,150 gramo ng shabu.

Ang suspek at ang mga nakumpiskang shabu ay nai-turnover na sa PDEA “for custodial investigation and initiation of inquest proceedings, ayon sa pahayag ng BOC.

Ang courier ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Sa ilalim ng liderato ni District Collector Yasmin O. Mapa, ang Port of NAIA ay “committed in protecting the country’s border.”

Ito ay alinsunod sa priority programs ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, isang dating intelligence officer ng BOC na taga-Batac City, Ilocos Norte.

Matatandaan na pag-upo ni Pangulong Bongbong R. Marcos ay kaagad niyang inutusan ang BOC na patigilin ang ismagling ng illegal drugs at agricultural products.

Congrats sa mga kaibigan diyan natin sa NAIA at aduana.

****

Mabuti naman at inalis na sa wakas ng Commission on Elections (Comelec) sa listahan ng mga botante ang may 257,805 voter registrants.

Iba’t ibang dahilan kung bakit naalis sa listahan ng voter registrants ang mga ito.

Kabilang sa mga natanggal sa listahan ay ang mga hindi nakaboto sa dalawang sunod na regulation elections at mga lumipat na ng ibang tirahan.

Ginagawa ng poll body, na pinamumunuan ni George Garcia, ang paglilinis bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Isa pang round ng paglilinis sa listahan ng mga botante ang isasagawa ng Comelec sa Hulyo 27.

Matatandaan na inanunsyo ng poll body na may 400,000 katao ang double o multiple registrants na kailangang matingnan nila bago pa man ang BSKE.

Tama naman ang ginagawa nina Chairman Garcia dahil kailangang maging clean, honest at credible ang ating mga halalan.

Tama ba, Pangulong Marcos at Vice President Sara Z. Duterte?

***

Masigabong palakpakan ang sumalubong sa pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na siya ay nagsisikap para mabigyan ng magandang buhay ang mga Pilipino.

Sa isang talumpati sa ika-56 birth anniversary ng Davao del Sur ay sinabi ni Pangulong Marcos na ang mahusay na serbisyo ay isang paraan niya ng pagpapasalamat sa taumbayan.

Noong nakaraang eleksyon ay mahigit na 31 milyong rehistradong botante ang bumoto sa kanya para siya’y maging Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Ngayon, ang gusto nga ng kanyang administrasyon ay walang Pinoy na maiiwang gutom sa kanyang panunungkulan na magtatapos sa tanghaling tapat ng Hunyo 30, 2028.

Marami ang naniniwala na matutupad ni Pangulong Marcos ang kanyang pangako sa taumbayan.

Ang kailangan lang ay tumulong ang mamamayang Pilipino sa kanyang administrasyon at mawala na sa serbisyo publiko ang mga tiwali at corrupt na lingkod-bayan.

Kung hindi ay mapupunta lang sa kani-kanilang malalalim na bulsa ang perang pinaghirapang kolektahin ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue.

(Para sa inyong komento ar suhestiyon, mag-text sa 09178624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE