Jinggoy

P2M insurance sa power industry workers isinusulong ni Jinggoy

August 4, 2023 PS Jun M. Sarmiento 200 views

ITINATAGUYOD ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada na gawing batas ang pagbibigay ng P2 milyon insurance coverage at iba pang benepisyo sa mga line worker sa sektor ng power industry.

“Lubhang mapanganib ang kanilang trabaho kaya nararapat lamang na bigyan sila ng insurance at mga benepisyo.

Given the hazards that come with their job, line workers more than deserve a package of insurance and benefits. Buwis buhay na hanapbuhay ang pagiging line worker.

Sinusuong nila ang panganib bukod pa sa taos puso nilang pakikibahagi para maibalik ang suplay ng kuryente matapos manalasa ang bagyo, lindol at iba pang kalamidad,” sabi ni Estrada.

Sa kanyang panukalang Line Workers Insurance and Benefits Act sa ilalim ng Senate Bill No. 2343, iminumungkahi ni Estrada na atasan ang mga private distribution utilities (PDUs), electric cooperatives (ECs) at transmission o grid operators na magbigay ng life and accident o disability insurance, retirement, mortuary at disability benefits para sa mga electrical linemen mula sa simula ng kanilang pagtatrabaho hanggang sa kanilang pagbibitiw, patanggal o pagreretiro.

Itinatakda ng panukalang batas na saklawin ng insurance na ipagkakaloob ng kumpanya ang mga line workers batay sa kanilang klasipikasyon: P200,000 para sa maliliit na kooperatiba, P400,000 para sa medium-sized, P600,000 para sa large, P800,000 para sa extra-large at P1 milyon para sa mega-large na kooperatiba.

Para sa mga transmission o grid operator, dapat nasa P2 milyon at P1.5 milyon ang insurance coverage.

Sa kaso ng pagkamatay, aksidente, kapansanan o pinsala na natamo sa line of duty, sinabi ni Estrada na ipag-uutos ng panukalang batas na ibalik ang mga ginastos sa pagpapagamot.

Madi-disqualify na makatanggap ng mga benepisyo ang mga linemen kung nangyari sa panahon ng hindi awtorisadong pagliban o pag-abandona sa opisina o kung dahil sinadyang saktan o patayin ang sarili, kapabayaan, paglabag ng safety protocols o paggawa ng krimen ng line worker.

Bukod sa mga karaniwang electrical line workers, sakop din ng SB 2343 ni Estrada ang mga crew members, drivers at katulong na direktang responsable sa pagtatayo, pagkakabit, pagpapanatili, reconstruction at pagkukumpuni ng overhead transmission at pamamahagi ng mga electrical system kasama na ang mga underground cables, electrical substations at iba pang kaugnay na kagamitan at pasilidad.