Hidalgo

P2.2M shabu nasamsam sa 10 suspek sa CL buy-bust

August 5, 2023 Bernard Galang 141 views

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Sa serye ng anti-illegal drug operations sa Central Luzon mula Agosto 1 hanggang 4, naaresto ng pulisya ang 10 nagbebenta umano ng droga, kabilang ang dalawang high value target, at nasamsam ang P2,209,200 halaga ng shabu.

Sinabi ni PRO3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., ang high value target na si Normallah Cali kasama ang kanyang mga umano’y kasabwat na sina Edgar Roque at Ronald Pinedawas ay inaresto ng mga operatiba mula sa Angeles City DEU.

Nakumpiska sa mga suspek ang marked money at 11 sachet ng shabu na may kabuuang 110 gramo na nagkakahalaga ng P748,000.

Sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, nakuha umano sa mga suspek na sina Norma Soliman, Israel Mendoza, at Kelvin Ken Aurelio ang apat na plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P741,200, isang .45 pistol na kargado ng tatlong bala at ang marked money.

Sa isa pang operasyon sa Cabanatuan City, arestado sina Marissa Silverio at Mark Bautista at nakuha umano sa kanila ang 12 plastic sachet ng shabu na tinatayang nasa P346,000 ang halaga, kasama ang buy-bust money.

Sa lungsod ng San Fernando, Pampanga, naaresto ang miyembro ng Sputnik gang na si Anthony Araullo kasama si Jaylord Bungay sa isang entrapment at nakuha ang isang Nokia phone, marked money, at 10 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P374,000.

“Ang matagumpay na kinalabasan ng mga operasyong ito ay nagpapakita ng hindi natitinag na determinasyon ng puwersa ng pulisya na labanan ang mga aktibidad ng ilegal na droga at mapanatili ang mga komunidad na ligtas at malaya mula sa masasamang epekto ng pag-abuso sa droga,” ani Hidalgo.

AUTHOR PROFILE