Default Thumbnail

P.8M shabu, 9 huli sa Quiapo drug bust

December 8, 2021 Francis Naguit 276 views

SIYAM na katao kabilang ang tatlong babae ang naaresto at mahigit na 130 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P884,000 sa isinagawang drug operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Quiapo, Manila.

Kinilala ang mga natimbog na suspek na sina Luz Mayes, 31, tubong Lanao Del Norte , residente ng Blk.1 Dubai St.,Brgy 649 Baseco Compound Port Area ; Evelyn Abrillo, 38, dalaga, residente ng 1100 Old Antipolo St., malapit sa Molave St. sakop ng Brgy.227 Zone 21 ; Jeffrey Bobis, 42 , taxi driver, ng Lot 30 Blk. 4 Phase 1 FVR Barangay Tigbe, Norzagaray Bulacan ; Bobby Swing, 44, binata, miyembro ng Bahala Na Gang, barangay tanod, ng Brgy. 554 Sampaloc, Manila; Alexander Ronquillo, 36 , tubong Davao, miyembro ng Batang City Jail (BCJ), residente din ng Barangay 554 sa Sampaloc; Emmanuel Cordero, 31 , street vendor, miyembro ng Sputnik Gang at residente ng 1478 Fugoso St. sa Brgy.303, Sta.Cruz, Manila; Ace Robles, 41, toktok driver, miyembro ng Commando Gang, residente ng 1597 LRC Compound sa Brgy. 310 , Sta.Cruz; Verna Obinguar, 30, may asawa, tubong Plaridel Bulacan, online seller, residente ng 6108 Purok 2 Parulan, Plaridel , Bulacan at isang menor de edad na estudyante, ng Looban , Dulong Malabon, Pulilan Bulacan.

Batay sa ulat ni P/ Lt.Col. John Guiagui, MPD – Station 3 commander, bandang 10 p.m. nang magkaroon ng drug operation sa Quezon Boulevard malapit sa Carlos Palanca Sr. St.

Sa report ni P/ EMS Rommel Fermin Rey, team leader ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Station 3, isang impormante ang tumawag sa kanilang tanggapan na di-umano’y may nagaganap na bentahan ng iligal na droga sa lugar.

Agad na nagtungo ang Team ‘Swabe’ at dito nila nadatnan ang puting Toyota Vios(UWJ-990) na taxi at itim na Yamaha na NMax.

Nakarekober ng siyam na bulto ng hinihinalang shabu na tumitmbang sa 130 gramo katumbas ng halagang P884,000.

Pawang nahaharap sa kasong pagbebenta at pag-iingat sa mapanganib na droga ang mga suspek. Ang may hawak ng kaso ay si P/ Cpl. Rudolf Niño Fajardo. Francis Naguit & Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE