Magsino

OFW Party List: Ople may tunay na malasakit sa mga bagong bayani

August 22, 2023 Marlon Purification 851 views

LUBOS na nagdadalamhati ang OFW Party List at si Congw. Marissa “Del Mar” Magsino sa pagpanaw ni Secretary Maria Susana “Toots” V. Ople ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ayon sa kongesista, isang matibay na haligi ng adbokasiya sa pagprotekta sa ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) si Sec. Ople.

Bago pa man ang kanilang paninilbihan sa gobyerno, magkaagapay na sila ni Congw. Marissa “Del Mar” Magsino sa laban sa pagtataguyod ng kapakanan ng ating mga OFWs.

“Sa pagpanaw ni Sec. Toots, dala niya ang legasiya ng ilang dekadang pakikipagbaka para sa karapatan ng ating mga OFWs, ang tunay na malasakit para sa ating mga bagong bayani at ang matatag na pamumuno sa DMW na naglatag ng mga polisiya at programang angkop sa pangangailangan ng ating mga migrante,” ani Magsino.

“At sa pagpupugay sa naumpisahang laban ni Sec. Toots para sa ating mga OFWs, sisiguruhin ng OFW Party List na maipagpatuloy ang mga hakbang sa polisiya na kanyang sinimulan.

Patuloy na magiging gabay at inspirasyon namin ang integridad, kasipagan, at kabutihan na ipinakita ni Sec. Toots mula nang siya’y nasa NGO hanggang sa maging kauna-unahang Department Secretary ng DMW.”

Mahal ka namin, Sec. Toots! Maraming salamat sa iyo at paalam,“ pagtatapos pa ni Magsino.