Nalibing Ang bahagi ng ginagawang riprap.

OBRERO NALIBING NG BUHAY!

January 12, 2024 Gil Aman 153 views

PATAY ang isang construction worker habang dalawa ang nasugatan nang aksidenteng matabunan sila ng mga bato at lupa nang gumuho ang ginagawa nilang riprap malapit sa isang dam ng ilog, Huwebes ng hapon sa Barangay Calumpang sa Liliw, Laguna.

Kinilala ni PCapt. John Patrick Delos Santos, hepe ng pulisya sa Liliw, ang biktima na si Vijay Estanda Salisod.

Nasawi si Salisod nang gumuho ang riprap na kanilang ginagawa at natabunan siya ng lupa at malaking tipak ng bato sa malalim na hukay sa may Bgy. Calumpang.

Samantala, malubhang nasugatan din ang dalawa pa nitong kasamahan na sina Joel Apostol Basco at Edurado de Chavez Dela Cueva na natabunan din ng lupa sa aksidenteng landslide.

Ang dalawang sugatan ay kasalukuyang ginagamot sa Nagcarlan District Hospital sa bayan ng Nagcarlan sa Laguna.

Sa inisyal na ulat ng pulisya sa Liliw, dakong 4:30 ng hapon nang aksidenteng maganap ang pagguho sa may construction ng riprap malapit sa isang river dam na may malalim na hukay.

Dahil malaking volume ng lupa ang gumuho, nalibing ng buhay ang nasawing biktima.

Nailigtas naman ang dalawa pang kasamahan nitong construction worker na natabunan din ng lupa at nagtamo ng maraming sugat sa kanilang katawan.

AUTHOR PROFILE