‘Non-essential’
HINDI naman tayo maka-Leni mula’t mula.
Madalas naman din nating mabatikos si VP Leni dito sa ating kolum at sa ating FB page. Pero hindi naman tayo umaabot sa gutter deep na pagtalakay sa isyu dahil naniniwala pa rin ako na ang mataas na pamantayan ng diskusyon ay magbibigay ng mulat na kaisipan sa ating mga mambabasa.
Hindi tayo aabot sa karakter ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na para lang may masabi laban kay VP Leni in one way at makapagpalakas sa Palasyo in another way, ibababa ang diskusyon ng isyu sa bangketa.
Iyon ba namang isyu ng lugaw as essential ay maisingit pa ni Densing ang banat kay VP Leni?
Bakit nyo naman nasabing “non-essential” si VP Leni at isabit mo pa sa lugaw?
Ang problema sa ibang opisyal ng pamahalaan, sila iyong nagpapalubha ng political situation natin sa gitna ng matinding laban natin sa pandemya. Hindi man lang sila makaisip na maging tulay man lang sa halip na maging pader!
Totoong marami ring sablay na pahayag si Leni sa mga nakaraan dahil nga siguro nakasukob siya sa partido dilaw.
Ramdam natin na minsan ay kailangang magsalita ni VP sa isang isyu, lalo na kapag laban sa administrasyon, dahil alam nating may yellow pressure rin na dumarating sa kanya.
Pero itong ginawa ni Densing sa kalagitnaan ng lugaw isyu, sa tingin natin ay foul na at hindi nararapat sa isang sibilisadong lipunan, lalo na kung magmumula sa isang edukadong tulad niya.
Naniniwala tayong sobrang gigil lang ni Densing na magpalapad ng papel kay Pangulong Duterte kaya mula sa kawalan ay isiningit niya ang banat kay VP Leni na kung tawagin sa Ingles ay “off tangent” or non-essential comments!
Mukhang si Usec ang hindi dapat palusutin sa quarantine checkpoint kasi walang kasusta-sustansiya ang kanyang mga sinasabi!
Sa tingin natin, dapat humingi ng dispensa si Densing hindi lang kay VP Leni bagkus ay sa taumbayan na naging cheap ang tingin sa DILG dahil sa kanyang wala sa lugar na kadaldalan.
Pasensiya na, naghahanap tayo ng mga sensible men and women sa gitna ng problemang kinakaharap nating lahat. Nagmumukhang virus na rin ang ibang opisyal ng gobyerno kaya dumidistansiya na rin ang ibang mg kababayan natin sa kanila.
Sa halip na trabaho ang unahin, mas gusto nilang magdingas ng pag-aawayan sa pulitika.
Please lang Usec Densing, huwag kang pasaway! [email protected]