NDRRMC

NDRRMC bumuo ng team para pagaanin ang epekto ng El Niño

April 25, 2023 Zaida I. Delos Reyes 308 views

BUMUO ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng inter-agency team na magtutulong-tulong upang pagaanin ang posibleng epekto ng El Niño sa bansa.

Sinabi ni NDRRMC spokesperson Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV nitong Martes, Abril 25 na ang binuong team ang siyang gagawa ng plano para tugunan ang El Niño.

“So itong team na ito ay titingnan or gagawa or aayusin yung ating mga plano para tugunan itong El Niño,” pahayag ni Alejandro.

Ang El Niño phenomenon ay isang “abnormal warming” ng sea surface temperature sa central at eastern equatorial Pacific ocean na maglilimita sa pagkakaroon ng ulan.

Ang team ay pangungunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Lalahukan ito ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno na kinabibilangan ng Office of Civil Defense (OCD), Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Energy (DOE), Department of Health (DOH), Department of Science and Technology (DOST), National Economic and Development Authority (NEDA), National Irrigation Administration (NIA), at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Isang support team na rin ang binuo kabilang ang Presidential Communications Office (PCO), Department of Trade and Industry (DTI), National Water Resources Board (NWRB), at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Tututok ang inter-agency team sa posibleng epekto ng El Niño sa food security, water supply, power supply, health, at public safety.

Ayon kay Alejandro, sa gitna ng El Niño ay posibleng makaranas ang bansa ng food shortage, kawalan ng kuryente at tubig, pagkakasakit, at paglobo ng insidente ng sunog.

Sa isinagawang pulong nitong Lunes ng NDRRMC, PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), at iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno ay tinalakay ang mga plano ng gobyerno sa pagharap sa El Niño phenomenon.

Ayon sa PAGASA, ang El Niño phenomenon ay magsisimulang maramdaman sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto 2023.