Alising Sinusuri nina P/Lt. Col. Dexter Versola at P/Maj. Anthony Alising ang bagong mobile outpost sa kanto ng Bradco at Macapagal Avenues na tatauhan ng dalawang pulis ng 24-oras. Kuha ni EDD REYES

NCRPO magpapakalat ng 10K pulis sa Undas

October 11, 2022 Edd Reyes 322 views

MAGPAPAKALAT si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Jonnel Estomo ng 10,000 pulis sa iba’t-ibang libingan sa buong Kamaynilaan ilang araw bago sumapit ang Undas.

Ito ang inihayag ni P/Lt. Col. Dexter Versola, tagapagsalita ng NCRPO, sa ginanap na panibagong paglalagay ng mga karagdagang mobile outpost sa lima pang lugar sa Lungsod ng Paranaque Martes ng umaga na karaniwang pinupuntahan ng marami upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ayon kay Versola, makikipag-ugnayan na rin ni BGen. Estomo sa mga opisyal ng iba’t-ibang local government units (LGUs) sa Metro Manila upang tumulong sa pagtatalaga ng mga “force multipliers” na tutulong sa kapulisan sa araw ng Undas, lalo na sa malalaking Kampo Santo, pribado man o pampubliko.

Batid ni Gen. Estomo na dahil mahigit dalawang taong hindi nakapunta ang mga tao sa puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay sa araw ng Undas dahil sa pandemya, tiyak na dadagsain ngayon ang lahat ng mga sementeryo sa Nobyember 1 at 2.

Sinabi ni Versola na iniutos na ni Regional Director BGen. Estomo na sa umaga pa lamang ng araw ng Lunes sa Oktubre 31 ay ipakalat na ang 10,000 pulis sa iba’t-ibang libingan dahil marami ng tao ang magtutungo ng maaga sa puntod ng kanilang namayapang kaanak.

Samantala, lima pang mobile outpost ang ipinalagay ni Estomo sa matataong lugar sa Paranaque, kabilang ang inilagay sa kanto ng Bradco Ave at Valera St., kanto ng Bradco Ave at Macapagal Avenue, sa harap ng Starbucks sa Macapagal Avenue at sa kanto ng Diokdo Blvd at Aseana sa harapan ng Solaire Resort and Casino na pawang sakop ni P/Maj. Roberto Fajardo, hepe ng Police Community Precinct (PCP)-2.

Nauna ng nagpalagay si Gen. Estomo ng mga mobile outpost sa NAIA, PITX at Aseana Avenue na 24-oras na may nakatalagang pulis s autos na rin ni Paranaque police chief P/Col Renato Ocampo na umani ng papuri sa mga may-ari ng mga establisimiento sa naturang mga lugar kaya’t nagpakalat pa ang NCRPO ng karagdagan pang mobile outpost.

Sinabi ni Versola na ililipat nila ang mga mobile outpost sa ilang mga libingan sa araw ng Undas upang makatulong sa pagtiyak sa seguridad ng mga dadagsang tao.

AUTHOR PROFILE