Default Thumbnail

Nat’l Children’s Month, ipinagdiriwang sa Maynila

November 8, 2022 Edd Reyes 323 views

IPINAGDIRIWANG ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang ika-30 National Children’s Month na may temang “Kalusugan, Kaisipan, at Kapakanan ng Bawat Bata, Ating Isulong” ngayon buwan ng Nobyembre 2022.

Sa kanyang pahayag nitong Lunes ng umaga sa regular na pagpupugay sa watawat, sinabi ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na sadyang napapanahon ang piniling tema lalo na’t nakakaalarma ang patuloy na lumalaking bilang ng mga kaso ng mga batang may problemang pang-kaisipan.

Ayon sa alkalde, bago pa man pumasok ang pandemiya, noong 2015 ay naitala na bilang pangalawang pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga batang may mga edad na 15 hanggang 29 ay pawang may kaugnayan sa pagpapatiwakal at karamihan ay mga estudyante sa high school na dumaranas ng “depression” sanhi ng pagkakalantas sa social media.

“Maging ang COVID ay nakaapekto sa mental health ng mga kabataan dahil na rin sa ibinunga ng mga pangyayari sa kasagsagan ng pandemiya. Bunga ng paulit-ulit na lockdown, nawalan ng pagkakataon ang maraming kabatan na lumabas sa kanilang tahanan, makihalubilo sa kapwa at magkaroon ng iba’t-ibang mga gawain,” pahayag pa ni Mayor Lacuna-Pangan sa kanyang pagsasalita.

Idinugtong pa ng alkalde na dahil unti-unti na ring lumuluwag ang paggalaw ng mga tao bunga ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, unti-unti na ring bumabalik sa normal ang kalakaran ang buhay kaya’t pagkakataon na aniya ito upang pagtuuan ng pansin ang mga kalagayan ng mga bata lalo na’t naglalatag na rin ng mga konkretong programa ang Manila Council for the Protection of Children na makakatulong na palaguin, kalingain at bigyang proteksiyon ang mga batang Maynila.

Sa kasalukuyan, sinabi ng alkalde na may 24,297 na mga bata ang nag-aaral sa mga day care centers sa lungsod; 2,308 naman ang napagkalooban ng educational assistance; at 3,374 naman na mga batang biktima ng pang-aabuso ang nakatanggap na ng tulong mula sa lokal na Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

“Nais nating pasalamatan ang iba’t-ibang mga pribadong samahan na tumutulong sa ating mga gawain para sa mga kabataan, kabilang dito ang community organizers, multiversity, National Council for Social Development, Humanitarian Legal Assistance Foundation, ang Plan International Philippines, at Asmae Philippines,” pahayag pa ng alkalde.

Ayon sa kanya, ang isang buwang pagdiriwang ay naglalayong na maitanim sa kamalayan ng bawat isang Pilipino at mapanatili na pagtataguyod at proteksiyon ng mga karapatan ng mga bata.

“Lahat tayo ay dapat na maging bahagi sa pagsusulong ng mahalagang adbokasiyang ito na pangalagaan ang kapakanan ng ating mga kabataan. Sila ang ating pag-asa sa mga susunod na panahon,” dugtong pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE