ASF

National emergency proposal dahil sa ASF ibinasura ng DA

August 13, 2024 Cory Martinez 240 views

IBINASURA ng Department of Agriculture (DA) ang rekomendasyon na magdeklara ng state of national calamity dahil sa pagtaas ng kaso ng African Swine Fever (ASF) sa ilang lalawigan.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., sapat na ang pagpapalawig ng mga border control, emergency inoculation program at pagdagdag ng indemnification measures para labanan at ma-contain ang outbreak.

Tiniyak din ni Tiu Laurel na hindi makakaapekto sa suplay o sa pagtaas ng presyo ng baboy ang problema sa ASF.

Ang bagong estratehiya laban sa AFF nakatuon sa pag-isolate sa mga babuyan na napatunayang positibo sa sakit. Bumalangkas ang DA isang multi-faceted approach upang masawata ang pagkalat ng ASF.

Kabilang dito ang pagtatayo ng mga livestock checkpoints upang mapigil ang pagbiyahe ng mga may sakit na hayop at ang agarang pagbili ng may 10,000 doses ng bakuna para sa ASF para sa emergency inoculation sa mga apektadong lugar.

Layunin nito na pagaanin ang epekto sa industriya ng baboy sa pinakahuling infection surge.

Magkakaroon ng isang controlled trial ng bakuna na kung saan 600,000 doses ang gagamitin sa mga lugar na may mga kaso ng ASF sa may huling bahagi ng taon.

Sinabi pa ni Tiu Laurel na dinagdagan ng DA ang ayuda para sa mga magbababoy na magsusuko ng kanilang alaga na may sakit.

Itinaas ang ayuda mula sa P5,000 hanggang P12,000 kada baboy para maengganyo ang mga magbababoy na magreport at i-cull ang mga may sakit kaysa ibenta ang mga ito.

Ipinapatupad din ng ahensya hog re-population program na kung saan ang huling datos, ayon sa Philippine Statistics Authority, nakatulong sa pagbawas ng epekto ng ASF sa produksyon ng swine industry.

Inaasahan din na mapapanatili ang suplay at presyo ng mga karne sa kabila ng ASF scare dahil na rin sa pag-angkat ng baboy.

Nakahanda ang P150 million para sa ASF response, ayon sa kalihim, kabilang na ang pondo sa pagbili ng bakuna at suporta sa pagtaas ng indemnification program.

AUTHOR PROFILE