Default Thumbnail

NA-STROKE NA OFW SA BAHRAIN TINULUNGAN NI REP. MARISSA DEL MAR MAGSINO

February 27, 2023 Marlon Purification 688 views

Marlon PurificationLABIS ang pasasalamat ng pamilya ng isang Overseas Filipino Worker kay OFW Partylist Rep. Marissa del Mar Magsino dahil sa mabilis na pagtugon sa inilapit na tulong upang makabalik ito sa bansa.

Sa isang video message, sinabi ni Ms. Kimril Jikiri na labis ang kanilang kagalakan ngayong naiuwi nang maayos ang kanyang kuya niyang si Warid Jikiri na matagal ding naratay sa banig ng karamdaman dahil sa stroke.

“Sobrang saya po na nakabalik ka sa amin ng buhay dahil sa tulong ni OFW Partylist Rep. Marissa del Mar at lahat ng nagtulungan para makauwi ka rito,” ani Kimril.

“Matagal na po ang kuya ko sa Bahrain. Nasa 31 years na. Nagka-stroke po siya ng ilang ngayon. Ang first stroke po ay pumutok ang ugat sa ulo niya. Sa awa ng nasa Itaas ay naka-survive naman po. Nakabalik siya sa normal na kalusugan, ngunit na-stroke na naman po siya sa ikalawang pagkakataon,” sabi ni Kimril.

Sa ikalawang stroke ay muli aniya itong naka-survive, ngunit ang nagpalala sa kondisyon ng OFW ay nang maatake uli sa ikatlong pagkakataon.

“Matagal siya sa hospital dalawang buwan tapos po hindi po namin alam kung paano siya makauwi. Lumapit po ang kuya ko sa OFW Partylist. Kay Congresswoman Marissa Magsino. Humingi po kami ng tulong kung pano gagawin sa kuya ko. Ayun po, sa awa po ng Diyos, natulungan naman po ni Cong. Marissa del Mar,” wika pa niya.

Bukod sa kongresista, pinasalamatan din ng pamilya Jikiri ang mga staff ni Congw. Marissa dahil sa matyagang pag-asikaso sa kanila mula sa pag-ayos ng mga dokumento pauwi ng bansa hanggang makabalik ang kanilang Kuya Warid sa Pilipinas.

Para kay Congresswoman Marissa, nakatutuwang may mga kababayang natutlungan na katulad ni Warid na madaling napababalik ng bansa.

Resulta rin aniya ito sa masinsinang koordinasyon ng kanilang tanggapan sa pamilya ng biktima, gayundin siyempre sa pamunuan ng Department of Migrant Workers sa pangunguna ni Sec. Toots Ople.

“Basta inilapit natin kina Sec. Toots Ople ay mabilis din silang umaaksiyon,” sabi naman ng mambabatas na dating Buhay OFW television host.

Sinabi ni Cong. Marissa na personal niyang kinausap si Sec. Ople para sa emergency medical repatriation ni Mr. Jikiri.

Malaking bagay din aniya ang sinserong pagtulong ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). “Basta may pagtutulungan ay may maidudulot na mabuting resulta,” sabi pa ng magandang kongresista.

Si Mr. Jikiri ay sinalubong ng OFW Partylist nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sala diretsang dinala sa hospital gamit ang nakaabang na ambulansiya.

“KInakailangan munang magpalakas ni Warid bago siya makauwi sa kanilang probinsiya at doon tuluyang magpagaling,” lahad pa ni Cong. Marissa.

Kung matatandaan, kamakailan lamang ay binuksan ang OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ayala Malls Manila Bay sa Macapagal Avenue, Paranaque City.

Isa itong ‘One Stop Shop’ para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong sa pamahalaan.

Ang mga services na mayroon dito ay hospitalization, burial, medical assistance pati na rin scholarship para sa mga anak ng OFW. “Antayin ninyo dahil maglalabas na rin po ng hotline para matawagan ng mga OFW 24-7,” ani Magsino.

‘Bukas ito hindi lang sa mga OFWs, kundi pati na rin sa kanilang mga dependents dahil sila ang tunay na dahilan kung bakit nagtatrabaho sa labas ng bansa ang mga OFWs dahil tunay nilang mahal ang kanilang pamilya,” wika pa ng kongresista.

Dagdag pa ni Magsino, magbibigay din sila ng libreng training para sa mga OFW na higit magpapaunlad sa kaalaman at kahusayan ng mga kababayang nagtatrabaho sa abroad.

Katuwang ng OFW Partylist sa paglulunsad ng OFW Tulong at Serbisyo Center ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Finance (DoF), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Overseas Workers Welfare and Administration (OWWA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at maging ang 19th Congress ng House of Representatives.

Sa ganang akin, tunay na napakaganda ng adbokasiyang ipinapakita ng grupo ni Cong. Marissa.

Ito kasi ang dapat gawin ng mga mambabatas ngayon na puro na lamang gawa at kaunting salita.

Umaasa tayo na dahil dakila ang harangin ni Cong. Marissa na tulungan ang mga kababayan nating OFW ay marami pa silang matulungan at patuloy lamang makatanggap ng suporta sa ilan pang ahensiya ng pamahalaan.

Dahil talaga namang sa OFW partylist na pinamumunuan ni Cong. Marissa, “OFW, Ikaw ang Bida!’