Default Thumbnail

MWP na Abu Sayyaf, tiklo sa Barbosa PS 14

March 4, 2023 Jonjon Reyes 556 views

ISANG miyembro umano ng teroristang grupo ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Anti-Terrorism Task Group Regional Intelligence Division (RID) at mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Barbosa Police Station (PS) 14, matapos na matunton ang kinaroroonan nito sa isang apartment sa Quiapo, Maynila, Biyernes ng hapon.

Ang suspek ay kasapi umano ng Abu Sayaff Group (ASG), 38, tubong Tuburan, Basilan, at nanunuluyan sa ikatlong palapag ng isang apartment sa Barangay 393, Quiapo.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Col. Roberto Mupas, station commander ng MPD Barbosa PS 14, bandang 3:55 ng hapon, ng masakote ang suspek dahil na rin sa “tip” ng isang impormante na nagturo sa tinutuluyan ng ASG member.

Una nang nagpakilala ito bilang alyas “Benjamin” at “Pagari,” hanggang sa madiskubre na isa pala itong most wanted na teroristang diumano na may mga kasong six counts ng kidnap for ransom at serious illegal detention.

Bitbit ang arrest warrant ng isa sa tauhan ni Mupas at sa pangunguna ni P/Capt. Laureano Larry Daligdig ng Station Warrant Section, kasama ang mga tauhan ng Anti- Terrorism Task Group-RID, na inisyu ni Presiding Judge Toribio Ilao Jr. ng Regional Trial Court Branch 226, Pasig City na may petsang Nobyembre 5, 2019.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa suspek.

Nagpaabot ng pasasalamat si “The Game Changer General” MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon sa pagkadakip sa suspek.

“I laud Barbosa Police Station, the station commander, P/Lt. Mupas and the operatives who made possible the apprehension of this high-value suspect,” pahayag ni Dizon.

“This is a breakthrough in MPD’s continuing effort to neutralize known terrorists and enemies of the state. This sends a clear message to all wanted persons that they cannot escape the long arm of the law,” dagdag pa ng MPD director.

AUTHOR PROFILE